Palalakasin pa ng Europian Union (EU), mga kasaping bansa at mga pinansyal na institusyon ang kontribusyon nito sa pandaigdigang pagsugpo laban sa COVID-19 pandemic, ani EU Ambassador to the Philippines Luc Veron nitong Martes.
“No one will be safe until everyone is safe,”sabi ni Veron sa kauna-unahang EU Meets the Press virtual forum.
Mula Disyembre 2020, nakapag-export na ng nasa 700 milyong bakuna ang EU na katumbas sa halos kalahati ng kanilang produksyon sa higit 130 low and middle-income countries kung saan kabilang ang Pilipinas sa top 10 benepisyaryo ng COVAX.
Layon ng COVAX na mabakunahan ang nasa 20 percent populasyon ng bansa o nasa 22 milyong Pilipino.
Binahagi ni Veron na nagpapatuloy ang EU at mga Member States nito sa pamamahagi ng milyon-milyong COVID-19 vaccines sa pagtatapos ng 2021, sa mga bansang nangangailangan nito sa ilalim pa rin ng COVAX.
Ang EU at mga kasaping bansa ang may pinakamalaking kontribusyon sa COVAX facility na nasa €3 bilyon, sila rin ang pangunahing tagapagsuplay ng bakuna sa buong mundo.
Gayunpaman, pinunto ng EU envoy ang pakikiisa ng buong mundo bilang “crucial to effectively fight the COVID-19 pandemic, ensure early access to vaccines, diagnostics and treatments everywhere, and start a sustainable global recovery.”
Patuloy na ginagampanan ng EU ang parte nito at pinangungunahan ang multi-lateral na mga hakbang laban sa pandemya, dagdag ni Veron.
Kasabay ng COVID-19 response, pinunto ni Veron ang pangangailangan mabantayan ang maaaring variants ng virus upang malabanan ito ng epektibong bakuna.
“The European Union is bringing together science, industry and public authorities, to speed up the work to respond to that threat,” sabi nito.
Roy Mabasa