CAGAYAN-- Sinigurong handa na ang Commission on Elections o COMELEC Cagayan sa pagtanggap ng mga maghahain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre 1-8 para sa mga tatakbong kandidato sa May 2022 national and local elections.
Inihayag ni Atty. Michael Camangeg, Provincial Election Supervisor sa isang programa sa radyo, na mayroon ng dalawang tents at inilabas na rin mula sa opisina ang receiving area at mayroon na ring nakatakdang uniformed personnel na magbabantay sa paghahain ng kandidatura.
Ito ay upang masiguro na masusunod ang minimum public health standards laban sa Covid-19.
Nilinaw nito na hindi na kailangan ang rapid Antigen Test ngunit sisiguraduhin na mag-oobserba ang MPHS.
Nilinaw rin nito na hindi lahat ng mga kandidato aymagfa-file sa Provincial COMELEC Office.
Ang kandidato sa pagka-Gobernador, Bise Gobernador, Sangguniang Panlalawigan at House of Representatives lamang ang maaaring mag-file sa opisina.
Personal o ang authorized representative ng kandidato ang maaaring mag-file sa tanggapan dahil walang online filing.
Bagamat walang online filing, maaari naman umanong hanapin ang COMELEC Resolution 10717 sa website nito para sa mga forms at guidelines.
Liezle Basa Inigo