Maaaring igiit ng pamahalaan ang kapangyarihan nito ngunit kailangan ng bagong batas para maobliga ang publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), sabi ng Palasyo nitong Martes, Setyembre 28.

Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, legal sa Konstitusyon na kayang gawing mandatory ng pamahalaan ang pagbabakuna sa publiko ngunit kailangang magoasa ng isang batas upang maisakatuparan ito.

“That’s the jurisdiction of Congress but the President can always certify an administration bill for such as a law,” sabi ni Roque, isang abogado.

Naglabas ng pahayag ang Palasyo matapos ang muling banta ni Pangulong Duterte sa paggamit ng puwersa ng kapulisan para mailunsad ang COVID-19 vaccination.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pre-recorded na public address ng Pangulo nitong Lunes, sinabi ni Duterte na kayang gamitin ng gobyerno ang awtoridad nito lalo na sa mga tatanggi sa bakuna dahil sa personal na paniniwala o relihiyon.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbabala ang Pangulo laban sa mga anti-vaxxers.

Nitong Hunyo, binalaan niya ang mga ”hard-headed” Pilipino na aarestuhin sa disinteres nito sa bakuna.

Habang may kapangyarihang manduhan ang pulisya ng estado para masiguro ang kaligtasan ng publiko, kinakailangan pa rin ng bagong polisiya pagdating sa COVID-19 vaccination, ani Roque.

“Ang sabi naman niya, iyong mga taong gobyerno kung ayaw nilang magbakuna, eh h’wag silang magtrabaho sa gobyerno. So, I guess sisimulan ni Presidente iyong requirement na kinakailangang bakunado para magtrabaho po sa gobyerno,” paliwanag ni Roque.

“But this is without prejudice to Congress passing a law because our jurisprudence upholds the validity of laws requiring the vaccination to be mandatory,” dagdag niya.

Raymund Antonio