Sabi ng mga artista sa showbiz industry, masasabing 'legit' artista ka na kapag naranasan mo nang masampal kahit isa man lamang sa mga pinagpipitaganan at beteranang aktres, gaya halimbawa ni Diamond Star Maricel Soriano, Superstar Nora Aunor, o kaya'y si Star For All Season Vilma Santos.
Para naman sa mahusay at award-winning actor na si Mon Confiado, may makabagong batayan umano ngayon para masabing ganap na artista ka na, bukod sa makatikim ng sampal, sabunot, o sapak mula sa mga de-kalibreng aktor na gaya niya, o kaya naman ay maka-eksena sila.
"May kasabihan po sa mundo ng telebisyon, na kapag ikaw daw ay hindi pa nakapag-guest sa FPJ's Ang Probinsyano, hindi pa kumpleto ang iyong pagiging artista," ayon sa aktor, na minsan na ring naging bahagi ng longest-running teleserye ngayon, na anim na taon nang umeere sa Primetime Bida ng Kapamilya Network, may prangkisa man o wala.
"Happy Sixth Anniversary. Mabuhay po kayong lahat," pagbati pa ni Mon Confiado.
Sa tagal kasi ng naturang serye, halos lahat na yata ng baguhan at premyadong artista ay nakapag-guest na rito. Sa kabila ng mga panawagan na tapusin na ito, tila ayaw paawat ng serye, sa pangunguna ng bida at direktor na rin nito na si Coco Martin. Padagdag nang padagdag rin ang mga cast nito kaya lalong humahaba ang serye.
Ilan sa mga bagong cast members na nadagdag sa kanila ay ang nagbabalik-Kapamilyang si John Estrada, Rosanna Roces, Tommy Abuel, Joseph Marco, Michael Flores, at ang rumored girlfriend ni Coco na si Julia Montes, na inilarawan sa serye bilang 'ang huling pag-ibig' ng karakter na si Cardo Dalisay, matapos mabiyudo kay Alyanna (Yassi Pressman).