Nangingibabaw si Magnolia forward Calvin Abueva sa dikit na laban para sa Best Player of the Conference (BPC) matapos ang elimination round ng 2021 PBA Philippine Cup.

Huling nagwagi si Abueva ng BPC award noong 2016 PBA Commissioner's Cup habang naglalaro pa siya noon sa Alaska Aces. 

Sa kanyang unang conference bilang manlalaro ng Hotshots, nagposte si Abueva 35.36 average statistical points (SPs) matapos ang eliminations.

Nakapagtala ang tinaguriang "The Beast" ng average na 16.1 points, 9.7 rebounds, at 3.1 assists per game upang tulungan ang Magnolia na pumangatlo sa puwesto taglay ang 8-3 panalo-talong baraha.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mahigpit niyang katunggali para sa nasabing parangal sina TNT rookie Mikey Williams at NorthPort sophomore Robert Bolick.

Ang fourth overall pick sa nakaraang PBA Rookie Draft noong Marso, nagtala si Williams ng average na 18.4 points, 4.2 rebounds, at 3.7 assists per game upang pumangalawa sa pagtatapos ng elimination round na may 35.30 average SPs.

Isa siya sa nanguna para sa Tropang GIGA na tumapos ng top seed taglay ang 10-1 record.

Pumapangatlo naman si Bolick na nagposte ng 35.27 SPs makaraang maka-recover mula sa injury matapos magtala ng average na 18.1 points, 6.9 rebounds, at 7.3 assists per game upang pangunahan ang Batang Pier sa pag usad sa quarters.

Isa pang rookie sa katauhan ni Jamie Malonzo ng NorthPort ang nasa pang-apat na puwesto sa ipinosteng 31.5 average SPs makaraang magtala ng average na 13.2 points, 9.0 rebounds at 2.6 assists per game. 

Panglima naman si Magnolia forward Ian Sangalang na may 31.3 SPs, mula sa naitala nitong 16.9 points at 7.3 rebounds per game.

Marivic Awitan