Muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na totoo ang coronavirus disease (COVID) at ligtas at epektibo ang bakuna laban sa sakit.
Dagdag ng DOH, ilang milyong tao na ang nagkasakit at nasawi sa nasabing virus.
“Ang COVID-19 ay idineklara ng WHO (World Health Organization) bilang isang global pandemic. Noong 20 Setyembre 2021, may naitalang 228,394,572 confirmed cases ng COVID-19 at 4,690,186 na katao ang nasawi dahil dito, batay sa report ng WHO,” sabi ng DOH.
Ito ang pahayag ng DOH matapos na sabihin ng ilang miyembro ng grupong Gising Maharlika na walang COVID-19 at tutol sila sa programang pagbabakuna ng gobyerno.
Muli naming binigyan-diin ng DOH na ligtas ang bakuna laban sa COVID-19.
“Walang katotohanan na ang pagbabakuna ay nakamamatay. Ang bakuna sa COVID-19 na nabigyan ng EUA (emergency use authorization) ng FDA (Food and Drug Administration) ay ligtas at epektibo,” sabi ng ahensya.
“Boluntaryo at libre ang pagbabakuna. Ang informed consent ay kailangan pirmahan bago makakuha ng first shot (Vaccination is voluntary and free. Informed consent must be signed before one can get the first shot of the vaccine).”idinagdag nito.
Ani DOH, ang iba’t ibang protocols at ang bakuna ay epektibo bilang proteksyon laban sa nakamamatay na sakit.
“Ang bakuna laban sa COVID-19 at pagsunod sa minimum public health standards gaya ng paggamit ng face mask ay magsisilbing proteksyon para sa iyong pamilya.”
Analou de Vera