Bumilis na umano ang pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila, ayon sa OCTA Research group.

Ipinaliwanag ni OCTA Fellow Dr. Guido David, ang positivity rate ng National Capital Region (NCR) ay nasa 19% hanggang 20% na lamang, habang ang reproduction number naman ay nasa 0.94 na lamang o pasok sa ideyal na ‘less than 1’ na itinatakda ng mga awtoridad.

Naniniwala si David na nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ang mga lockdown na ipinatupad ng pamahalaan sa rehiyon.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Nitong Agosto 6-20 ay isinailalim ng pamahalaan ang rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito.

Simula naman Agosto 21 hanggang Setyembre 15 ay isinailalim ang Metro Manila sa modified ECQ (MECQ), bago tuluyang isinailalim sa pilot implementation ng bagong Alert Level System na siyang umiiral ngayon hanggang sa Setyembre 30.

“Ngayon, medyo bumilis ang pagbaba. Nag-umpisa 'yan nasa MECQ tayo. So in part, nakatulong naman ang lockdown natin, at least sa pagbaba ng bilang ng kaso,” ani David, sa panayam sa radyo.

"At least, sa Metro Manila at saka sa ibang areas, 'yung nakikita nating pagbaba, may basis naman talaga, 'di lang case count. Pati positivity rate, bumababa rin... May genuine na pagbaba yan sa nakikita natin,” aniya pa.

Naniniwala naman si David na ang pagbaba ng mga kaso ay may kinalaman rin sa vaccination program ng pamahalaan at sa pagtalima ng mga tao sa health protocols.

Bukod sa Metro Manila, ang Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay nakagpatala na rin ng ‘less than 1’ na reproduction rate.

Ang Benguet, Cagayan Valley, Negros Oriental at Leyte naman ay nakapagtala umano nang pagtaas ng mga kaso.

Gayunman, sinabi ni David na tinitingnan pa nila kung may trend na ito o clustering lamang.

Kasunod nito, nilinaw rin ni David na wala pang katiyakan kung magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Babala niya, maaari pa itong magbago lalo na kung hindi mag-iingat ang mga mamamayan.

“Wala naman tayong assurance na 'di magbabago yun, unang-una kung 'di tayo mag-iingat... May mga paraan para ma-reverse ang trend,” aniya pa.

Mary Ann Santiago