Nasubukan mo na bang ilagay sa sinaing ang itlog upang mailaga, o kaya naman ay kamatis na masarap sa almusal?
Iyan ang tanong ni Lance Sarmiento o 'Simpol Dadi' na isang vlogger mula sa Bulacan, sa Facebook group na 'Home Buddies.' Relate much ang mga netizens sa larawang kaniyang ibinahagi, lalo na ang mga batang 90s pababa: noong hindi pa masyadong uso ang paggamit ng pressure cooker, air fryer, at iba pang makabagong kasangkapan sa pagluluto. Ang larawang ibinahagi niya ay hindi sa kaniya, kundi nakita rin lamang niya sa social media (hindi matukoy kung kanino).
"Noong araw naalala ko yung sinaing namin palagi may lamang itlog at kamatis kasi sabi ng lola ko para tipid daw sa gas... hehe... Meron pa bang gumagawa nito sa bagong henerasyon? Malamang yung mga lumaki sa lola naranasan ito, hehe," aniya.
Game naman sa pagkomento at pagbabahagi ang mga netizens.
"Tama ginagawa ko pa 'yan kapag malapit na maluto ang sinaing, pero dapat hugasang maigi ang kamatis o itlog bago ilagay sa kanin."
"Relate! Til now ginagawa namin ito. Itlog, kamatis, Minsan okra, saging na saba, bahaw na iniiinit o kaya tirang ulam na nasa tupperware galing ref ipapatong sa sinaing habang pinapainin."
"Agree po. Ginagawa po namin 'yan, totoong nakakatipid ng gas, time, and hindi po nabibiyak once ilalagay sa sa mainit na kanin. Unlike po sa ilalaga ninyo sa tubig, minsan nabibiyak po ang itlog, nasasayang lang po."
Samantala, may isang netizen naman ang nagpaalala sa lahat na hindi dapat inilalagay ang itlog sa sinaing, dahil may 'salmonella' ito na maaaring mahalo sa kanin, at magdulot ng food poisoning. Kung talagang nagtitipid umano, kinakailangang hugasan umanong maigi ang mga ito.