Dead on arrival sa ospital ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos umanong pagsusuntukin ng kanyang senior o upperclassman sa kanilang dormitoryo sa Silang, Cavite, kamakailan.
Sa ulat ng PNPA, nakilala ang biktima na si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo habang ang suspek ay nakilalang si Cadet 2nd Class Steven Ceasar Maingat.
Naiulat na tumumba si Magsayo nang paulit-ulit na suntukin ni Maingat sa kanyang katawan sa loob ng kaning dormitoryo sa PNPA headquarters sa Silang, nitong Huwebes, Setyembre 23.
Kaugnay nito, dismayado naman siPNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa insidente at tiniyak sa pamilya ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Magsayo.
“The cadet responsible is now under the custody of the Silang Municipal Police Station. I assure the family of Cadet 3rd Class Magsayo that the cadet responsible will face the charges that would be filed based on the results of the investigation,” aniya.
Kasong paglabag sa Anti-Hazing Law na naiuwi sa pagkamatay ni Magsayo ang inaasahang isasampa sa korte sa Lunes, Setyembre 27 laban sa suspek, ayon pa kay Eleazar.
Nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police ang suspek.
Aaron Recuenco