Dahil sa outbreak ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, iniinda ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa 2.3 milyong “backlog” sa pag-isyu ng Philippine passports sa buong mundo.
Ito ang binahagi ni DFA Assistant Secretary for Consular Affairs Senen Mangalilenitong Biyernes, Setyembre 25 sa gitna ng mga reklamo sa ahensya ukol sa hindi maayos na online applications at mabagal na pag-isyu ng passports hindi lang sa mga konsulado sa bansa kundi maging sa mga pangunahing foreign posts.
Base sa pagsusuri ng DFA, kapansin-pansin ang backlog sa bilang ng mga naisyung passport noong 2019 kumpara sa mga naisyu noong 2020.
“In 2019 we were able to release more than four million passports. In 2020, because of the pandemic we were able to release only 1.7 million passports. The difference, which is somewhere around 2.3 million, are the ones we consider as backlogs,” pagbubunyag ni Mangalile sa midya sa isang virtual briefing.
Ngayong taon, mula Enero hanggang Agosto, nakapamahagi na ang DFA ng nasa 1.4 milyong pasaporte.
“Historically, there is still something like 2.3 million passports which should have been issued under normal circumstances,” ani Mangalile.
Inamin din ng kalihim ang nasa 26,000 passport applications na may errors sa mga pangalan at petsa ng kapanganakan ng mga aplikante.
Natambak ang mga erroneous applications sa DFA na maaaring mag-require sa mga apektadong aplikante na humiling ng panibagong online schedule, na mahirap ring i-secure dahil sa limitadong bilang ng kawaning magtatama sa mga nasabing pagkakamali.
“Hindi na namin kakayanin, within a reasonable turnaround time, ang pag correct ng kanilang application. Yung 26,000 napababa namin ng 17,000. The applicants were given info that there will be a delay in release of their passports,” sabi ng Foreign official.
Roy Mabasa