Nag-uwi ng karangalan sa Pilipinas ang pelikulang 'Baboy Talunon' (baboy-ramo o wild boar) matapos nitong masungkit ang parangal na 'Best International Short Film' sa Uruvatti International Film Festival sa bansang India.
Ang short film na ito ay nai-produce sa ilalim ng ERK Film Productions at University of the Philippines Visayas Office of the Vice Chancellor for Research and Extension o UP Visayas OVCRE Grant. Hango ang pelikula sa nilikhang fictional na maikling kuwento ng premyadong manunulat na si Ferdinand Pisigan Jarin na may pamagat na 'Habulan,' na inspirasyon naman niya mula sa totoong kuwento at kalagayan ng mga Tumandok o Lumad.
Mapalad na nakapanayam ng Balita Online ang direktor, producer at manunulat ng pinarangalang pelikula, na nagdala ng karangalan sa bansa.
Ayon sa direktor nitong si Kevin Piamonte, naging hamon sa kanilang shooting ang kasalukuyang pandemya, subalit hindi sila nagpadaig dito. Naging maingat sila sa pagsunod sa mga health and safety protocols upang walang magkasakit at hindi maputol ang trabaho ng lahat. Mabuti na lamang umano at buo ang suporta ng UP Visayas kaya malaya silang nakapag-shoot sa loob mismo ng campus.
"Ang unang hamon ay ang pandemyang ito. Napaka-challenging mag-shoot. Kakatakot baka may magkasakit at mapuputol ang trabaho. Buti na lang masyadong supportive ang UP Visayas at doon kami nakapag-shoot sa loob ng campus. Maraming gubat kasi sa loob ng UP Visayas sa Miagao kaya convenient sa amin ang location," aniya.
"Pinasamahan pa kami ng nurse galing sa Health Service Unit ng UP Visayas. Araw-araw may kumukuha ng temperature namin at may safety officer din kami na certified ng DOH kaya laging may reminder tungkol sa mga health and safety protocols. Ang sarap sa feeling na habang nagsho-shoot, pumunta rin mismo ang Chancellor namin na si Clement Camposano at si Sahlee na wife niya. Pandagdag moral support iyon," dagdag pa ni Piamonte.
Naiiba umano ang short film na ito sa pelikula niyang 'Lugta ke Tamama' na ipinanlaban sa Busan International Film Festival sa South Korea, na maikakategorya bilang full-length documentary tungkol sa Indigenous Peoples ng Boracay. Sa kaso naman ng 'Baboy Talunon,' tungkol ito sa isang bata kung saan pinatay ng mga militar ang kaniyang mga magulang, na maihahalintulad sa pagkitil nang walang habas sa mga baboy-ramo.
"Social realism ang pelikulang ito at nakasentro siya sa mga pangyayaring naganap tungkol sa pagpatay sa mga Indigenous Peoples at Lumads. So atake ito sa senseless killings at the same time focus din sa human rights," saad ng direktor.
Napapanahon o relevant umano ang short film na ito lalo't patuloy pa rin ang mga nangyayaring karahasan sa ating lipunan, sa kabila ng pandemya. Pinagdiinan ng direktor na hindi puwede at hindi tama ang mga ganitong senaryo. Ang obra maestrang ito ang magsisilbing 'boses at mata' upang ipakita ang iba't ibang mga pangyayari sa lipunan, kung saan abala ang lahat sa pagresolba o pagpapagaling mula sa COVID-19.
"Kahit pandemya ngayon, marami pa ring karahasan na nangyayari sa ating lipunan. Di pwede iyan. Kami sa UP Visayas, naniniwala kami na kung kailangan kami din ang magiging boses at mata ng mga iba’t ibang tao sa ating lipunan kaya kahit pandemya, kailangan pa ring ipagpatuloy ang ibat ibang usapin hindi lang tungkol sa pandemya. As artists, naniniwala kami na ang pag gawa ng sining ay dapat makabuluhan din."
Sinabi naman ng producer nito na si Robert 'Bobby' Rodrigue, na bagama't apat na araw lamang ang shooting days dahil sa low-budget ang pelikula, hindi naman nila tinipid ang kalidad nito. Habang tumatagal kasi ang shooting, lumalaki rin ang gastos. Tiniyak din nilang makasusunod ang lahat sa safe filming policies, nilimitahan ang galaw ng produksyon, at na-maximize ang ang malawak na espasyo sa loob ng UP Visayas capmus. Kahit sa mga panahong medyo masama ang lagay ng panahon, tuloy-tuloy pa rin ang shoot subalit tiniyak pa rin ang kaligtasan ng lahat.
*Naging compliant po kami sa safe filming policies na inilatag ng Film Development Council of the Philippines para sa mga manggagawa ng pelikula sa panahon ng pandemya. May inatasan po kami na isang Safety Officer na nakapag-training sa DOH at isang nurse na itinalaga ng UP Visayas kung saan ang lahat ng kasapi at mga aktor ng pelikula ay mino-monitor araw-araw," paliwanag niya.
Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Rodriguez sa mga tao, sektor, at organisasyong nakatulong sa kanila upang matapos nang maluwalhati at ligtas ang kanilang shooting days. Ang tagumpay umano ng kanilang pelikula ay resulta ng matibay na samahan ng kanilang team.
"Sa kabila ng mga hamon, kami po ay naging matagumpay dahil sa walang sawang suporta ng UP Visayas sa aming pelikula. Lalo na po ang aming napakahusay na Chancellor Clement Camposano at ang Vice Chancellor for Research and Development na si Dr. Harold Monteclaro kung saan sila po ang naging daan na matuloy ang funding ng pelikula pati na po ang payagan kaming maka-shoot sa loob ng UPV Campus," ani Rodriguez.
Matapos ang tagumpay ng Baboy Talunon, bilang producer umano ay mas asahan pa sa kanila ang pagpo-produce ng mga makabuluhan at napapanahong pelikula gaya nito.
"Bilang producer ng ERK Production, nais po naming ipagpatuloy ang paggawa ng mga pelikula na naglalaman ng mga kuwento na makapupukaw sa mga damdamin ng mga Pilipino. May iilang short films na rin kaming nai-produce na ngayon ay nasa mga film festivals at may isang full-length na aming dine-develop sa kasalukuyan sa Busan Asian Film School at sa Full Circle Lab ng Film Development Council of the Philippines."
Masayang-masaya naman ang ma-akda ng kuwento na si Ferdinand Pisigan Jarin na nabigyan siya ng pagkakataong maisapelikula ang kaniyang obra maestra. Aminado siyang may pagka-pulitikal ito at mas napapanahon.
"Hindi ito personal na sanaysay. Fiction s’ya na mas ikinasa ko para maging pelikula. Kaya hindi ko s’ya kuwento kundi kuwento mismo ng mga Tumandok/Lumad. Mas pulitikal ito, of course. Mas napapanahon dahil slice ito ng ligalig na nangyayari ngayon sa lipunan natin," pahayag ni Jarin.
Nabagabag umano siya sa kaniyang mga nabasa at napanood na balita hinggil sa kalagayan ng mga Tumandok o Lumad na nakaranas ng 'red-tagging,' partikular sa Panay noong Disyembre 2020.
"Hindi ako pinatulog ng mga nabasa/nakita kong balita at mugshots ng mga magsasakang Tumandok na na-red tag (pinatay/inaresto) dito sa Panay noong December 2020. Naisip kong sobra na ito. Di pa ba tayo nagagalit? Ito ang mga nagtulak sa akin para mapansin ang sitwasyon at isulat ang kuwento."
Pagdating umano sa paglalapat ng kaniyang akda patungo sa pelikula, masaya sa naging resulta si Jarin. Naging maganda ang working relationship nila bilang isang team. Pinuri niya ang pagiging sinsero ng UP Visayas upang magawa ang pelikula. Bukod dito, mas naiangat pa umano ang diskurso ng kuwento dahil sa screenplay ni Kenneth Dela Cruz at direksyon ni Kevin Piamonte.
"Karangalan ko na makatrabaho sila. Malaking bagay ang pagkatiwalaan nila ang aking kuwento at maniwala rin dito. Sinsero din ang suporta ng aming dibisyon, ang Division of Humanities at ang UP Visayas para maglakas-loob aming gawin ang pelikula."
Gaya ng pahayag nina Piamonte at Rodriguez, naniniwala rin si Jarin na talagang napapanahon ang mga isyung panlipunan na ipinasilip at ipinakita ng pelikulang ito, na nararapat ngang mapanood hindi lamang sa kahon ng Uruvatti International Film Festival, kundi maging ng lahat ng PIlipino upang maging mulat sa mga nangyayari.
"Sobrang napapanahon. Na sa kabila ng pandemya, ang pamahalaan na dapat pumoprotekta at bumubuhay sa kaniyang mga mamamayan ang siyang pangunahing naglalagay sa mga ito sa alanganin at katulad ng mga Tumandok, inaaresto at pinapatay dahil lamang sa pagbibintang na sila’y mga NPA. At kung bakit marami pa rin ang tahimik at di nagagalit dito ang mas malaking tanong sa panahong ito."
Ang malaking tanong, may sinisimbolo ba ang 'baboy talunon' sa kasalukuyan?
"Lahat tayo ay parang mga baboy talunon na maaaring bitagin sa mga patibong ng mga pangako, habulin at patayin ng mga umaastang mas malalakas sa atin," matapang na tugon ng manunulat.
May mensahe naman siya sa mga baguhan at beteranong manunulat.
"Huwag nilang katamarin at katakutan ang pagpansin sa mga umiistorbo sa kanilang kamalayan. Umalis sila sa kanilang mga comfort zone. Mas dapat isulat ang mga nakaka-disturb sa atin kaysa sa mga nakakapagpakilig at nakakapagpangiti lamang sa atin. Makalipunan ang una, mas makasarili ang huli," wika ni Jarin.
Hindi pa available ang makabuluhan at napapanahong short film na ito sa publiko, subalit pangako nila na makikipag-tie up sila sa mga online streaming apps upang mapanood ito ng sambayanan.