Pormal na nagdeklara si Francisco Domagoso, aka Isko Moreno, aka Yorme, ang Manila Mayor, ng kanyang intensyong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections.
Una nang nagdeklara ng ambisyong makuha ang trono ng Malacanang sina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Manny Pacquiao.
Sa parte ng PDP-Laban Cusi Wing, ang gusto nilang tumakbo sa panguluhan ay si Sen. Bong Go katambal ni Pres. Rodrigo Roa Duterte bilang pangalawang pangulo. Tumanggi si Go.
Kapag natuloy ang kanyang pagtakbo at kapag siya ay nanalo, siya ang magiging pangatlong alkalde sa bansa na nasungkit ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Ang dalawa pa ay sina ex-Mayor Joseph Estrada aka Erap, at ex-Mayor Rodrigo Duterte aka Digong/Rody.
Sa opisyal na paglulunsad ng hangaring maging kandidato sa panguluhan noong Miyerkules, nangako si Yorme ng pagkakaisa at paghihilom. Nagsalita siya sa katamtamang dami ng mga tao sa Baseco Compound sa Tondo, Manila, lugar na isa sa pinakamahirap na komunidad sa bansa.
Kasama niya roon ang magiging ka-tandem niya na si Dr. Willie Ong, isang doktor at social media personality, na minsang nang tumakbo bilang senador noong 2019 na bagamat natalo, ay nakakuha naman ng mahigit sa 7.5 milyong boto.
"Puwede akong magtrabaho kahit kanino", pahayag ni Isko Moreno na minsan ay naging alyado ng Duterteadministration. Noon nga, may mga report na sinabi niyang ang hinahangaan at iniidolo niyang mga lider ay sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at si PRRD. Ngayon ay iba na ang kanyang tono.
"Magiging isa akong healing president. While ours will be a government of national reconstruction, it will also be a government of national reconciliation, based on justice and rule of law."Naninindigan siya na kapag siya ay nangako, ito ay hindi mapapako tulad ng ibang mga lider na puro pangako, pero lagi namang napapako. Isusulong niya ang "open governance policy" sa bagong mga ideya, opinyon, at partisipasyon ng mga tao sa decision-making and governance."
Binigyang diin ni Yorme na kakayahan at hindi koneksiyon ang magiging solong gabay niya sa paghirang ng mga opisyal ng pamahalaan. "To those with skills, no recommendation is necessary. Those without, need not apply."
Ipinaalam niya sa mga tao na siya ay dating basurero (garbage collector) at sinabing hindi siya anak ng isang kilala o kaya ay ng isang pangulo. Tandisan niyang sinabi na siya ay "isang busabos pero hindi naging bastos."