Papasukin na rin ng tinaguriang 'The Optimum Star' na si Claudine Barretto ang mundo ng politika, matapos mapasama sa line-up ng 'Bangon Olongapo 2022' na pinangungunahan ni Arnold Vegafria, na isa namang starmaker at talent manager.
Makikita ang opisyal na anunsyo sa Facebook page ng Bangon Olongapo nitong Biyernes, Setyembre 24, 2021, kasama ang mga litrato ng kani-kanilang mga kasama sa ticket, kabilang nga si Barretto. May hashtag sila na #SanaOlongapo.
Si Barretto, 42, ay nagsimula sa kaniyang showbiz career noong 1992. Siya ay naging bida sa maraming matatagumpay na soap opera ng ABS-CBN, gaya ng 'Mula sa Puso,' 'Saan Ka Man Naroroon,' 'Sa Dulo ng Walang Hanggang,' 'Ikaw ang Lahat sa Akin,' at 'Iisa Pa Lamang.' Markado rin ang kaniyang mga pelikula gaya ng 'Got 2 Believe,' 'Milan,' 'Dubai,' 'Anak,' at marami pang iba.
Ang kaniyang mga kapatid ay sina Gretchen at Marjorie Barretto. Pamangkin naman niya si Julia Barretto.
Si Claudine ang latest celebrity na nagpahayag ng kaniyang kandidatura sa 2022 elections. Kamakaian lamang ay nagpahayag din sina Kapamilya actor Nash Aguas (para sa Cavite) at Ejay Falcon (para sa Oriental Mindoro) na papasukin na rin ang pulitika.