Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar nitong Biyernes, Setyembre 24, ang paglalagay ng mga opisyal ng pulisya sa mga election registration sites upang matiyak ang pagpapatupad ng minimum public health standards sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Sinabi ni Eleazar na inaasahan ng PNP ang pagdami ng mga tao sa mga Comelec sites para sa huling minuto ng pagpaparehistro sa natitirang isang linggo bago ito magsara para sa national and local elections sa May 2022.
“That is why I ordered all our chiefs of police and unit commanders to anticipate this by deploying enough number of personnel in various COMELEC registration sites to ensure the peaceful and orderly conduct of voter’s registration because of the continuous threat of COVID-19,” ani Eleazar.
Sinabi ng PNP chief na nakatatanggap siya ng mga ulat na maraming tao ang pumupunta sa Comelec sites at satellite registration offices sa mga malls upang samantalahin ang natitirang araw bago magsara ang registration period.
Dahil dito, inatasan ang mga pulis na makipagtulungan sa mga local government unit (LGUs) upang makapagbigay sila ng tulong sa mga lugar na madalas puntahan ng mga nagparehistro.
“Mahalaga na magparehistro upang marining ang inyong boses sa darating na halalan subalit mahalaga rin na matiyak ang inyong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga public health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus sa inyong mga lugar," pagbibigay diin ni Eleazar.
Samantala, hindi pa nagdedesisyon ang Comelec kung palalawigin ang voter's registration period.
Martin Sadongdong