Sa halos walang patlang na deklarasyon ng kandidatura ng mga sasabak sa napipintong pambansang halalan -- lalo na ng mga presidential bets -- talagang hindi na mapigilan ang pagkulo, wika nga, ng tinatawag na political pot. Kabi-kabila ang paglalahad ng mga plataporma -- at mga pangako na walang katiyakan kung maisasakatuparan -- na masyado namang nagdudulot ng kalituhan sa sambayanan, lalo na sa pagpili ng matitino at mapagkakatiwalaang mga lider ng ating bansa.
Ako man ay nagtatanong sa sarili: Anu-ano ang mga katangian ng mga pulitiko na dapat iluklok sa tungkulin -- sa Ehekutibo, Lehislatibo at sa local government units (LGUs)? Ngayon pa lamang, natitiyak ko na hindi lamang ako ang mangangapa, wika nga, sa pagpili ng mga huwaran at matapat na lingkod ng bayan.
Ang isang presidential bet ay marapat na mag-angkin ng kakayahang bumalangkas ng makabuluhang mga estratehiya sa pagbabayad ng trilyun-trilyong pisong pagkakautang ng gobyerno sa iba't ibang international financing institutions. Ang ganitong mga obligasyon ay dapat mabigyan ng prayoridad sapagkat ang pagwawalang-bahala ng kinauukulang mga lider sa gayong problema ay nangangahulugan ng tuluyang paglugmok ng ating ekonomiya. Mga problema ito na lalong nagpapahirap sa taumbayan; isipin na lamang na pati ang mga sanggol na nasa sinapupunan pa ng kanilang mga ina ay kasama na sa pagbabayad ng mga inutang ng gobyerno. Isa lamang ito sa mga dapat maging bahagi ng plataporma ng ating magiging Pangulo.
Dapat namang maging malawak ang kaalaman ng manunungkulang mga mambabatas sa pagbalangkas ng mga patakaran at mga batas na magpapaangat sa kabuhayan ng bansa at ng mismong mga mamamayan. Kabilang dito ang mga lehislasyon na mangangalaga sa ating mga karapatan sa iba't ibang larangan ng pakikipagsapalaran at pamumuhay -- sa paggalang sa ating mga karapatang pampulitika, panlipunan -- lalo na ang pangangalaga sa mga karapatang pantao o human rights.
Kaakibat ito ng pagpapamalas ng mga mambabatas sa pakikipagbalitaktakan sa plenaryo sa iba't ibang isyu na dapat maliwanagan ng sambayanan. Hindi na dapat hanapin sa kanila ang mga talino at gilas na ipinamalas ng ating mga sinaunang mambabatas.
Simple lamang ang katangian na nais kong taglayin ng ihahalal nating LGUs: Pagpapaigting ng mga pagsisikap sa paglikha ng isang maunlad at mapayapang mga komunidad. Ang paglipol sa mga naghahasik ng karahasan -- tulad ng mga kriminal, mga sugapa sa iba't ibang bisyo o droga at mga terorista -- ay mangangahulugan ng matatag at malinis na gobyerno na gagabayan ng matitinong lider.
Nakalulungkot nga lamang na baka hindi ko masaksihan ang gayong mga lider sa darating na national polls. Baka magkatotoo ang kasabihang 'mahirap maghanap ng karayom sa bunton ng mga dayami'.