Nanalo ng dalawang medalya si Tokyo Olympian Carlos Yulo sa muli niyang pagsabak sa kompetisyon sa 2021 All Japan Senior and Masters Gymnastics Championship sa Yamagata nitong Huwebes.
Inangkin ni Yulo ang gold sa paborito niyang event na floor exercise matapos makakuha ng iskor na 15.30 at bronze medal sa vault pagkaraang makakuha ng iskor na 15.
Sa nakaraang Tokyo Games, hindi umabot sa finals ng floor exercise si Yulo habang kinapos para umabot sa podium finish sa vault.
Ang nasabing kompetisyon ay bahagi ng paghahanda para sa darating na FIG Artistic Gymnastics World Championships na gaganapin din sa Japan sa susunod na buwan.
Ayon sa social media post ng Japanese coach ni Yulo na si Munehiro Kugimiya, ang nasabing panalo ay tila pambawi o "paghihiganti" sa naging kabiguan nila sa Tokyo kung saan isa ang Pinoy gymnast sa inaasahang magwagi ng medalya para sa bansa.
Marivic Awitan