Ang masaya sanang kasiyahan ng pag-iisang dibdib ay nauwi sa masaklap na karanasan, matapos matuklasan ng bagong kasal na mag-asawang Arniel at Cherry Pie mula sa Cebu City, na na-scam sila ng kanilang event coordinator na si Naser Fuentes.

"Yung sobrang happy ang lahat dahil tapos na ang ceremony at kainan na, pero pagdating sa venue ay scam pala dahil walang handa, wala lahat," ayon sa isa sa mga nakasaksing netizen na si Jesson Argabio sa kaniyang viral Facebook post.

Screenshot mula sa FB/Jesson Argabio

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nagulat na lamang umano ang mag-asawa at ang mga panauhin nang wala man lamang makitang mga dekorasyon sa paligid, at ang ikinaloka nila, sarado rin ito. Ayon sa pamunuan ng naturang venue, wala naman daw nag-book sa kanila sa araw na iyon.

Makikita sa kuhang video ni Jessie na wala nang nagawa ang misis kundi ang mapaupo at mapahagulhol dahil sa mga nangyari.

Nabayaran na umano ang lahat nang gastusin at naging maayos na ang kanilang naging personal na usapan sa event coordinator na si Fuentes, isang araw bago ang kanilang kasal, ngunit hindi na umano nila matawagan ang suspek. Noong una ay inakala umano nila na abala lamang ito sa pag-aayos sa reception venue, ngunit wala naman pala talaga silang aasahan.

"According sa couple, fully paid na daw sila sa coordinator na si Naser Fuentes. Nagpakita pa ang coordinator during wedding preparation at the couples residence," ayon sa caption ng FB post ni Argabio.

"Then by lunch time, umalis na si Naser and hindi na nila makontak, but we assumed maybe busy sa decor sa venue. So after church which is sa Minglanila pa, proceed kami sa venue sa Kiaras catering and events sa may Labangon ares, at pagdating namin doon, close talaga ang venue! Walang handa, Wala lahat!"

"According sa manangement wala daw nakabook na event that day. Pati kami mga suppliers na-scam din, hindi kami nabayaran."

"First time in history sa wedding! Pagdating namin sa venue walang handa! Tahimik at malungkot ang venue! Kawawa! Pati kami rin kawawa! Naser Fuentes harapin mo sila. Pinaka grabe to!"

Screenshot mula sa FB/Tonskie Elsisura

Sa naging panayam ng Cebu’s 93.0 FM teleradyo, isinalaysay ng mag-asawa na nakapag-down payment na sila ng ₱5,000 noong Hunyo, ₱15,000 at ₱30,000 noong Setyembre, at ₱65,000 para sa huling instalment. May mga resibo naman daw na ipinakita sa kanila ang event coordinator kaya hindi sila nagduda rito.

Sa latest update, sasagutin na umano ng celebrity couple na sina Meri Naig at Chito Miranda, ang reception ng bagong kasal, na naudlot dahil sa panloloko umano ng event coordinator, na bali-balitang nagtangkang magpakamatay matapos ang kaniyang ginawa, subalit hindi nagtagumpay.

"Just saw this sa Facebook. Bilang naging bride din ako, ang pinakaayaw natin ay ma-stress sa mismong kasal natin. Kahit lahat ng tao sa paligid natin, di tayo dapat binibigyan ng stress," ayon sa post ni Neri nitong Setyembre 23, 2021.

"Kung sino po ang nakakakilala sa bride, pakisabi po, message po ako. Kami na bahala sa reception niya. Malapit lang naman ang Jeju Samgyupsal sa lugar nila. Doon na natin ganapin ang reception ninyo. Since mahigpit po ang dine in pa rin, mga 20 pax po ang kakasya sa Jeju Samgyupsal Resto po namin sa Cebu."

Bukod sa pagkain, sasagutin na rin ng mag-asawang Miranda ang cake, emcee, at souvenirs na ipamamahagi sa mga piling panauhin. May pocket money rin silang ibibigay sa mag-asawa.

"Sagot na rin po namin ang cake, may emcee ka na rin po para may program po ang reception n'yo. May pabaon kaming TERRA accessories VERY NERI beddings, at VERY NERI sleepwear gift from Saturday Dress para sa bride. Wala kayong gagastusin mag-asawa. Kami na bahala. May pa-pocket money kami sa inyo kahit papaano. Wag ka nang umiyak. Kami na bahala sa inyo.

At mukhang hindi lamang sina Neri at Chito ang nais na magpaabot ng tulong sa kanila.

Chito Miranda at Neri Naig-Miranda (Larawan mula sa FB)

"Pahabol pala! Nag-message sa akin ang may ari ng Skin Magical at Teatalk na si Ate Ghie Pangilinan sagot na raw nya ang tokens para sa mga guests at magbibigay din siya ng cash para sa newlyweds."