Sa kumalat na bahagi ng ngayo'y burado na sa programang “Wanted sa Radyo” nitong Lunes, Setyembre 20, nagpahayag ng suporta si Raffy Tulfo sa muling pagbabalik sa ere ng dambuhalang broadcasting network na ABS-CBN.
Sa episode ng musical variety show na ASAP Natin ‘To nitong Linggo, Setyembre 19, surprise guest si “Idol Raffy” na naghandog ng isang song number kasama sina Zsazsa Padilla at Nina.
Hindi naman napigil na balikan ni Tulfo ang naging karanasan sa ASAP stage sa kanyang programang “Wanted sa Radyo."
“Hindi naman kayo napahiya at hindi ako nagkalat,” saad ni Tulfo sa programa.
Ipinaliwanag din ni Tulfo kung bakit ‘di siya diretsang makatingin kay Zsazsa at Nina sa performance sa pangambang nakatutok siya sa lyrics ng kanta sa teleprompter.
Kasunod na nagpaabot ng pasasalamat si Tulfo sa 'ASAP Natin ‘To.'
“That was a very good experience na I will never forget for the rest of my life. I will cherish that experience, thank you so much. Thank you po sa bumubuo ng “ASAP Natin To.”
“At thank you rin po doon sa mga friends, mga subscribers na nag-message sa akin at nagpadala ng congratulatory messages. Thank you po. Thank you sa lahat,” dagdag ng sikat na host.
Sa pagpapatuloy ni Tulfo, ibinahagi nito ang napansing kalungkutan at katahimikan ng gusali ng ABS-CBN.
“Syempre, walang nagsasalita sa kanila dun. Tahimik lang. nakikita ko ang lungkot. Dati-rati, nag-ge-guest na ko sa ABS-CBN noon--maraming taong masaya, pero dun, malungkot sila,” paglalarawan ni Tulfo sa kanyang obserbasyon.
“Huwag kayong malungkot dahil… 9-10 months,” tila pagbibilang ni Tulfo sa nalalabing sampung buwan ni Duterte sa Malacanang.
“Ten thousand kasi ang nawalan ng trabaho. Kung pwedeng baka sabihin ni Lord, sige ten months, okay na ulit. Di ba?” malamang sambit ng program host.
Malinaw na pinatutungkulan nito ang naging pagsasara ng ABS-CBN noong Agosto na naging sanhi upang mawalan ang higit na 10,000 manggagawa ng network.
“Kumbaga, magbabanggaan yong 16 million versus 42 million subscribers,” tila matapang na paghahamon ni Tulfo sa higit 16 milyong bomoto kay Pangulong Duterte noong 2016.
Hindi malinaw ang pinatutungkulan nitong numero ng subscribers niya dahil sa pag-uulat, nasa higit 22 milyon lang ang subscribers ng "Raffy Tulfo in Action" sa Youtube.
“Forty-two million yata 'yong subscribers. Kung i-combine mo pa baka 50 million, so 60 million, so alin mas marami dun?” hindi malinaw na impormasyong binanggit ni Tulfo.
Samantala, ilang ulat pa ang lumitaw kung saan tatakbo umanong Bise-Presidente si Tulfo, ka-tandem ang nag-anunsyong presidential hopeful na si Sen. Manny Pacquiao.
Wala pang malinaw na pahayag si Tulfo ukol rito.