Ilang oras matapos ang pag-anunsyo ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na desidido na siyang tumakbo sa pagka-pangulo katambal si Doc Willie Ong, pinagdiinan niyang hindi pa rin niya pababayaan ang Maynila.
Makikita sa kaniyang Facebook post nitong Setyembre 21 ang pangako niya na tuloy pa rin ang gobyerno sa kaniyang nasasakupang lungsod.
"TULOY ANG GOBYERNO SA MAYNILA. Aking pinulong ang mga Department Heads ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para talakayin ang mga plano na ating isasakatuparan sa mga susunod na buwan. Tuloy po ang Gobyerno dito sa Lungsod ng Maynila," aniya.
"Ang lahat ng bagay ay posible kung tayo ay magiging magkakaagapay", pagwawakas ng kaniyang post na may hashtags na #BilisKilos, #AlertoPilipino, at #AlertoManileno.
Mababasa naman sa kalakip na infographics ang paalala niya sa mga Department Heads na kaniyang ipinulong.
"I want you to focus on helping the people. Help me help the people of Manila. We have a responsibility. Tuloy ang gobyerno. We're still here. I'm going to do what I have to as the Mayor."
Ang mga sumunod na Facebook posts ng alkalde ay hinggil sa matagumpay na vaccination na nangyayari sa kanilang lungsod.