Kumpiyansa ang gobyerno na tinatayang aabot sa 100 milyong doses ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kabuuang suplay nito sa susunod na buwan.
Paliwanag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., mangyayari lamang ito kung maidi-deliver sa bansa ang lahat ng nakatakdang dumating na bakuna.
Aniya, tinatayang aabot sa 41.5 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang inaasahang darating sa bansa mula ngayong buwan hanggang sa Oktubre. Sa kasalukuyan, nasa 64,942,000 pa lamang ang suplay ng bakuna sa Pilipinas.
“Tuluy-tuloy na pong dumarating ang ating mga bakuna. By the end of October, we will reach more or less 100 million doses delivered to the Philippines,” aniya.
Kapag nakumpleto aniya ang mga delivery sa huling bahagi ng Oktubre, aabot na sa 106 milyong doses ng bakuna ang suplay ng bansa.
Plano aniya ng gobyerno na makapagbakuna ng 70 milyong Pinoy o 70 porsyento ng kabuuang 110 milyong populasyon ng bansa upang makamit ang herd immunity bago matapos ang taon.
Sa pinakabagong datos ng pamahalaan, abot na sa 41,793,930 doses ng bakuna ang naituroksa mamamayan nito.