Noong Hunyo 5, 2021 ay naging viral ang Facebook post ni Jessa Mae Apal, 23, isang college graduate mula sa Canhaway, Guindulman, Bohol, matapos niyang ibahagi ang naranasang pangmamata, panlalait, o 'pang-ookray' sa kaniya ng mga kakilala, dahil naturingan umanong nakatapos siya ng pag-aaral ng kolehiyo, ngunit ang trabaho niya ay pagiging promodiser sa isang supermarket.
Aminado naman si Jessa Mae o 'Lhanglang' na hirap siyang makahanap ng mapapasukan lalo sa kalagayan ngayon, ngunit hindi ito nakapagpatigil sa kaniya upang hindi kumita at maghanapbuhay; bagkus ay pinairal niya ang diskarte hangga't matanggap sa trabaho, hindi man ito ayon sa natapos niyang kurso o 'mismatch.'
"Sabi nila college graduate daw ako tapos hindi ko ginamit yung kurso ko kasi promodiser/promo girl/push girl lang ako, nasaan na ba raw yung natapos ko at bakit ito lang trabaho ko ngayon," aniya na isinalin sa wikang Filipino, mula sa wikang Batangueno.
"Well, sa hirap maghanap ng trabaho ngayon, sa hirap makapasok sa mga hotels ngayon, bakit hindi ako papasok sa ganitong trabaho? Kailangan ba talaga kung ano ang natapos mo dapat 'yun din ang present na work ngayon?"
"Let me remind you guys, hindi 'yan nagma-matter sa kung anuman ang natapos mong kurso sa trabahong meron ka ngayon! Diskarte na ang kailangan ngayon."
"Ekis na yung puro ka kaartehan at namimili ng trabaho kasi hindi tayo uunlad niyan. As long as legal at marangal na trabaho at wala kang pili at walang arte. Pwede ka!"
May pakiusap si Lhanglang sa publiko; na baguhin na ang mga ganitong uri ng pag-iisip.
"Please, baguhin ninyo ang ganiyang mindset na kesyo nakapagtapos ka ng kolehiyo at grumadweyt ka sa kinuha mong kurso ay wala ka ng right magtrabaho sa ibang bakanteng posisyon?"
"So kung ikaw, attitude ka tapos gusto mo na kung ano ang natapos mo, 'yun din dapat ang trabaho mo, paano pala kung wala pang vacant sa kurso mo? Tutunganga ka na lang? Aantayin mo kung kelan ka makapagtrabaho sa kurso mo? Big No No!"
Aniya, kailangan daw na magkaroon ng mga options kung sakali mang hindi matanggap sa trabahong pinag-aaplayan, na nakaangkla sa kursong tinapos. Huwag daw ngumanga!
"Dapat meron kang 2nd option, kasi kung mag-aantay ka lang kung kelan may magbubukas na posisyon sa natapos mo, kung attitude ka, hindi ka talaga aasenso niya. Habang may panahon pa, change your mindset."
"Kung ikaw ambisyosa ka, taposs napakapihikan mo sa mga trabaho, wala kang maabot. Sabi nila 'Ambition is the first step to success, the second step is action' so kung ikaw hanggang sa ambisyon ka lang at wala kang ginagawag aksyon, useless lang lahat ng iyong mga ambisyon."
Real talk niya, hindi umano makakabayad ng utility bills ang pride. Ang susi upang magkaroon ng trabaho ay humanap nito.
"Kaya magsumikap ka. Sabi nga nila, 'It's better to take any job to pay them bills until you can find better. Pride doesn't pay bills. Wala kang trabaho? Maghanap ka ng kahit anong trabaho. Don't sit at home waiting for the magical opportunity. Do something until you can do something else."
Kumusta na nga ba si Lhanglang matapos ang halos 3 buwan?
Ayon sa panayam ng Balita Online, umalis na siya sa pagiging promodiser at pinalad na maging waitress sa 'Seasons By The Jasz' sa kanilang lugar.
"Okay lang naman ang pagiging promodiser/push girl, medyo hindi lang talaga siya madali kasi whole day kang nakatayo at kailangan mong i-push ang products mo para makabenta ka," aniya.
Paano nga ba niya nalagpasan ang mga pang-ookray sa kaniya noon?
"I admit dati sa tuwing kinukutya ako ng mga tao na kesyo nakapagtapos ako ng pag-aaral pero di ko nagamit ang course na natapos ko, inaamin ko po na naiinis, at minsan, nakakaramdam ako ng galit sa kanila, pag-amin ni Lhanglang na nagtapos sa STI College Bohol.
"Pero ngayon na-realize ko na, mas wag na lang silang pansinin at mas ginawa ko pa po silang inspiration para po ipagpatuloy ang pangarap ko sa magulang ko, at magpursige sa buhay."
May mensahe siya sa mga college graduates na 'mismatch' din sa kanilang mga napagtapusang kurso, sa trabaho nila ngayon.
"Sa mga college grads na mismatched ang work nila, patuloy lang po tayo sa pagsisikap, wag natin hayaan na maliitin tayo ng mga taong puro kutya lang ang binibigay sa atin, magpursige tayo para sa pamilya at para sa sarili natin, hayaan natin silang kutyain tayo, magsumikap lang tayo, at kung ano mang bakanteng trabaho na puwede sa atin basta maranga, GO LANG! ipagpatuloy n'yo lang," aniya.
"Hindi basehan ang nakapagtapos ng pag-aaral sa taong marunong dumiskarte sa buhay, tandaan n'yo, ginawa natin ito para sa pamilya at para sa sarili natin, hindi para sa mga taong walang ibang ginawa kundi kutyain ang buhay natin."
"Wag nating hayaan na i-down tayo ng mga taong nakapaligid sa atin, sapagkat gawin natin itong inspirasyon upang makamit natin ang pangarap para sa pamilya natin. Maging matatag tayo para sa pamilya natin, hayaan natin silang laitin nila tayo sa kung ano mang meron na trabaho natin ngayon, at wag nating kalimutan manalangin sa itaas dahil Siya lang ang nakakaalam sa takbo ng buhay natin."