Dalawampu't tatlong senador ang naghain ng panukalang batas na layong palawigin pa ng isang buwan ang voter registration para sa Halalan 2022.

Maliban kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, sinuportahan ng lahat ng miyembro ng Senado ang Senate Bill No. 2408 na inihain nitong Lunes, Seytembre 20.

Layon ng panukalang batas na mapalawig ang voter registration hanggang Oktubre 31, 2021, isang buwang pagpapalawig sa deadline ng Commission on Elections (Comelec) sa Setyembre 30.

“Given the extraordinary circumstances of the pandemic, it is necessary to extend the voter registration, in order to give unregistered Filipinos of voting age ample time to register, and eventually exercise their constitutional right to vote and avoid disenfranchisement of large number of qualified voters,” pahayag ng mga senador.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa paghahain ng panukalang batas, pinunto ng mga senador na naka-set ang unang deadline bago pa lumala ang sitwasyon dala ng COVID-19 pandemic kaya’y apektado nito ang mga lugar na isinailalim sa lockdown.

Dagdag ng mga ito, mula Hunyo 2021, nakapag-ulat ng aabot sa 60 milyon botante ang Comelec para sa Halalan 2022. Mas mababa ito sa inaasahang 73.3 milyong Pilipino sa ulat ng Philippine Statistics Authotity (PSA) noong Pebrero ngayong taon.

“As a result of the series of suspension of voter registration, the Filipino people have been clamoring for the extension of the deadline of voter registration,” saad ng mga senador.

“Comelec has the prerogative to set the deadline of voter registration on a later date but before January 9, 2022, taking into consideration this public health emergency, in order to prevent voter disenfranchisement,”dagdag nila.

Ilang ulit na tinanggihan ng Comelec ang mga proposal sa pagpapalawig ng registration at sa halip ay pinalawig lang ang oras na aakomodahin ng Comelec ang mga nais magparehistro.

Pinunto din ng mga mambabatas ang 2015 Supreme Court Decision sa kaso ng Comelec vs. Kabataan Party-list kung saan kinilalang ang Comelec ang may awtoridad na magtakda ng deadline ng registration basta’t hindi ito sakop ang 120 araw bago ang eleksyon.

Nitong Lunes, binantaan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na tatapyasan ang panukalang 2022 budget ng Comelec kung hindi ito tutugon sa mga panawagan sa pagpapalawig ng registration.

Suportado naman ni Senate President Vicente Sotto III ang naturang bill.

Nauna nang isinulong ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang dalawang resolusyon na naghihikayat sa Comelec ng parehong layunin.

Hannah Torregoza