Inungkat ng TV host na si Toni Gonzaga ang tungkol sa kontrobersyal na komento ni Senador Manny Pacquiao hinggil sa paghahambing niya sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa mga hayop, sa naging panayam ng isang tv network noong 2016.
Humingi naman ng dispensa noon si Pacquiao hinggil sa kaniyang naging pahayag. Marami kasi sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community ang nagalit sa kaniya. Ngunit sa naging panayam ni Toni sa 'Toni Talks', muli niyang nilinaw ang isyung ito.
"Mainit kasi masyado yung statement ko na 'yun. Ang sinasabi ko palagi, hindi ko kino-condem yung mga gay, mga LGBT, may mga pamangkin akong LGBT, ang dami ko na mga LGBT na workers… sa bahay ko… kahit yung mga kapatid ko… as a person, hindi mo sabihin na galit ka sa kaniya, kinokondena mo siya… who am I to judge a person, 'di ba?" ani Pacquiao.
Masyado lamang daw na-edit ang kaniyang pahayag kaya nakapagbigay ng maling mensahe sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
"Pero naniniwala po ba kayo na, of course, God loves them also?" tanong ni Toni.
"Exactly. Lahat tayong tao, kawangis ng Panginoon. Maganda ito na naipapaliwanag ko… ang gusto kong sabihin, hindi ko kino-condem sila," ani Pacquiao.
Sa totoo lamang daw, masaya nga raw silang maging kaibigan, kasama at katrabaho. Masisipag, masiyahin, at malikhain daw ang mga ito.
"Magagaling silang mag-isip, masisipag…" pahayag pa ng senador, na kamakailan lamang ay nag-anunsyong tatakbo na bilang presidente sa 2022 sa ilalim ng PDP-Laban.