Nakatakda nang isapinal ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Health (DOH) ang listahan ng mga pampublikong paaralan na lalahok sa dry run ng limited face-to-face classes na isasagawa sa bansa.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, makikipagpulong ang technical team ng DepEd sa kanilang counterparts sa DOH ngayong Miyerkules para sa pagsasapinal ng listahan.
Sinabi ni Malaluan na mula sa 638 na paaralan ay pipili sila ng 100 eskwelahan upang lumahok sa dry run, na tatagal ng dalawang buwan.
“Sa Wednesday ay humingi kami ng pagpupulong para isapinal yung schools na from 638 schools natin na inihanda ay alin talaga yung mapipiling 100,” aniya pa, sa panayam sa telebisyon.
Nabatid na bukod naman sa naturang 100 public schools, may 20 pribadong paaralan rin ang inaasahang lalahok sa aktibidad.
Una nang sinabi ng DepEd na ang mga paaralang lalahok sa dry run ay yaong mula lamang sa mga lugar na low risk sa COVID-19 infection.
Tiniyak rin ng DepEd, na hindi nila pipilitin ang mga mag-aaral na ayaw sumali dito.
Samantala, sinabi pa ni Malaluan na nitong Martes ay nakatakda na ring lagdaan ni DepEd Secretary Leonor Briones ang mga guidelines para sa limited face-to-face classes at saka ito dadalhin sa DOH para naman malagdaan ni Secretary Francisco Duque III.
Ani Malaluan, nakadetalye sa naturang guidelines ang lahat ng safety protocols, contingency measures, at class schedules na mangyayari sa in-person classes.
Ipinaliwanag pa niya na ang tagumpay ng dry run ay hindi nila tutukuyin sa pamamagitan ng absence o kawalan ng COVID-19 cases sa mga kalahok na estudyante at guro, at sa halip ay kung paano nai-aplay ang mga contingency measures para dito.
“Magiging sukatan dito ay tama ba yung ating contingency ay managed in an orderly manner. Kasama sa contingency ang lockdown ng paaralan kung kinakailangan,” aniya pa.
Mary Ann Santiago