Sa pangunguna ni presumptive president at dating Senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. ay marami sa mga netizen, lalo na ang mga UniTeam supporter, ang nagnanais na muli raw maranasan ang ilan sa mga naging highlights ng administrasyong Marcos, Sr., lalo na ang 'nutribun'.

Kung tutuusin, bago pa man ang Martial Law ay may distribusyon na ng nutribun sa Pilipinas. Ang nutribun program ay naging matagumpay, sa magkakatuwang na effort ng mga ahensyang pampamahalaan ng Amerika, Pilipinas, at iba pang lokal na ahensya noong 1970. Ito ay ang United States Agency for International Development (USAID). Layunin nitong masolusyunan ang malnutrisyon sa kabataan, lalo na ang mga mag-aaral na nasa grade 1 hanggang grade 6, noong dekada '70.

Kumusta na nga ba ang mga "nutribun babies" na naranasan ang pagkain nito noon?

Ayon sa salaysay ni Mary Ann "Annie" D. Assong, guro sa isang pampublikong paaralan mula sa Kawit, Cavite, talagang inaabangan nila dati ang nutribun na ipinamimigay ng kanilang mga guro.

Trending

'Say aahh' Lalaking nag-aapply ng trabaho, sinubuan habang nasa online interview

"Noong ako ay nasa elementarya ay lagi namin inaabangan ang pamimigay ng mga guro ng nutribun. Ang aming baon ay hindi sapat. Ito ang natatanging pagkain na pumapawi ng aming gutom. Tapos, siksik ang laman. Talagang mabubusog ka. Kahit kalahati lang ang iyong kainin. Ang matitira ay maaari mo pang kainin kinabukasan," ayon kay Ma'am Annie.

"Binibigay po ito sa amin na walang palaman, minsan dalawang piraso sa bawat bata. Wala ring sesame seeds. Kapag di naubos, ibabalot po namin sa papel para itago sa bag."

Para naman kay Mauricio Santivar, isang retiradong empleyado ng isang sangay ng pamahalaan, malaki ang naitulong ng nutribun noon upang maka-survive siya sa pag-aaral dahil wala siyang baon noon sa pagpasok sa paaralan.

"Noong araw, pagkalaki-laki talaga ng nutribun, at pagkasarap-sarap din. Walang binatbat ang mga monay ngayon. Wala kasi akong baon noong araw dahil kami lamang ay mahirap. Mabuti na lamang at may nutribun. Paminsan, kapag may tira, naiuuwi ko pa sa amin para ipakain sa mga nakababatang kapatid. Sayang nga at wala nang nutribun ngayon.

Nagugunita naman ni Josephine P. Forteza, guro sa pribadong paaralan at taga-Rizal, ang kaniyang pagkabata sa tuwing nababanggit ang nutribun. Solve na solve na umano ang kanilang recess. May kasama pa umano itong sopas. Sa kanilang paaralan, ito raw ay may bayad na 10 sentimos.

"Alaalang nutribun… pagpasok sa eskuwela ang baong dala ay 25 sentimos, hindi bibili sa mga nagtitinda sa daan sapagkat pinaglalaanan ay ang aming recess sapagkat may masarap na tinapay. Ito ay ang nutribun sa halagang 10 sentimos mabubusog ka na, kung sapat pa ang pera, may sopas na kasama pa sa halagang 10 sentimos," aniya.

"Masarap na tinapay ang nutribun, katamtaman sa laki at siksik pa ang laman. Naalala ko pa nga na minsang sinalanta kami ng bagyo, may dumating na helicopter sa plaza ng aming bayan, dito lumapag at nakita namin ang mga naka-uniporme na sa palagay ko ay mga sundalo na ang dala ay napakaraming nutribun. Tuwang-tuwa kami at bawat pamilya ay binigyan ng tig- dalawang balot ng nutribun. Malasa at masarap," dagdag pa niya.

"Sana may makaimbentong muli ng nutribun," pag-asam pa niya.

Tinatayang umabot sa 30 million nutribuns ang naipamahagi sa 200,000 mula grade 1 hanggang grade 6 mula school year 1970 hanggang 1971, ayon sa ulat nina Ruben William Engel (Nutrition Advisor) at Albert S. Fraleigh (Food for Peace Officer) of the U. S. Agency for International Development (USAID) Mission for Manila. Hanggang sa panahon ng Martial Law sa bansa ay nagtuloy-tuloy na ito.

Sa isang public elementary school naman sa Quezon City, namamahagi sila ng malaking nutribun sa kanilang mga mag-aaral, na gawa sa squash o kalabasa, ayon sa gurong si 'Rose.' Nagsimula umano silang mamahagi sa mga benepisyaryong kinder pupils sa panahon ng pandemya.

"Kasama ang anak ko sa feeding beneficiaries, kasi sinali lahat ng kinder during this time of pandemic. Tapos may ibinigay na nutribun, ang laki-laki made of squash… hindi maubos ng isang kainan lang, kahit matatanda. Pero dati, noong face-to-face pa, ulam, kanin or soup ang sine-serve," kuwento niya.

Nitong Pebrero 2021, inilunsad ng Department of Education (DepEd) Division of Negros Oriental, sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DOST) at isang DOST-assisted private firm ang inclusion ng Enhanced Nutribun (E-Nutribun) sa kanilang school-based feeding program.