Iniimbestigahan ng ng Philippine National Police (PNP) ang misteryosong pagkamatay ng paint artist na si Bree Jonson na natagpuan ang bangkay sa isang hotel sa La Union nitong Sabado.

Ang pagkamatay ni Jonson ay inireport ng kanyang boyfriend na si Julian Ongpin, anak ng bilyonaryong negosyante, bilang kaso ng suicide ngunit pinipilit ng mga lokal na imbestigador na pinangungunahan ni Brig. Gen. Emmanuel Peralta na magsagawa ng autopsy upang malaman ang totoong dahilan ng pagkamatay nito dahil nagtatanong umano ang pamilya ni Jonson kung ano ang nangyari.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, natagpuan ang bangkas sa Floatsam Jetsom Resort sa San Juan, La Union nitong Sabado, Setyembre 18.

Nang tingnan ng mga lokal na imbestigador ang kwarto, nakita ang 12.6 grams ng cocaine. Base sa local police report, positibo sa drug test si Ongpin.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

“Nasampahan na ng kaukulang kasong may kinalaman sa iligal na droga ang kasintahan ni Bree Jonson na si Julian Ongpin matapos itong mag-positibo sa drug test at makuhanan ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union," ayon kay Eleazar.

Ngunit pinakawalan ng Provincial Prosecutor's Office si Ongpin, at sinabi na kailangan pang imbestigahan ang kaso.

Kasalukuyan, pinagtutuunan nina Eleazar kung ano ang ikinamatay ni Jonson.

“Hinihintay lamang ng inyong PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan," ani Eleazar.

Una, nais sana umano ng mga magulang ni Jonson na ang National Bureau of Investigation ang humawak ng kaso ngunit nagbago ang isip nila at pinayagan ang mga local police na gawin ito, maging ang pagsasagawa ng autopsy. Ang mga magulang ni Jonson ay nagtungo sa bansa matapos malaman ang insidente ngunit sila ay nasa mandatory quarantine.

“This is but another proof that your PNP applies the law without fear or favor. Mayaman man o mahirap, patas ang pagpapatupad natin ng batas dahil hindi lang dangal ng PNP ang nakataya dito kung hindi ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino," ayon kay Eleazar.

Tiniyak din niya sa publiko na siya mismo ang magbabantay sa pag-usad ng kaso.

Inatasan na rin ni Eleazar ang mga kinauukulang units na makipagtulungan para masigurado na available si Ongpin habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Jonson.

Pinuri rin niya ang local PNP personnel sa mabilis na aksyon at pagtugon sa kaso.

Aaron Recuenco