Umaabot pa sa 16,361 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) sa Pilipinas nitong Martes, base na rin sa case bulletin no. 556 na inilabas nito.
Dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umakyat na sa 2,401,916 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 21, 2021.
Ayon sa DOH, sa naturang kabuuang kaso, nasa 7.1% o 171,142 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang92.4% na mild cases, 2.8% na asymptomatic, 2.69% na moderate, 1.4% na severe at 0.6% na critical.
Mayroon rin namang 21,974 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 2,193,700 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 91.3% ng total cases.
Samantala, mayroon pang 140 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman.
Sa ngayon, umaabot na sa 37,074 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.54% ng total cases.
Kaugnay nito, iniulat rin ng DOH, na mayroon pa ring 61 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 46 recoveries.
Mayroon ring 60 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago