Mukhang handang-handa na ring makisali sa pagpasok ng mga mag-aaral noong opening of classes ang pet dog mula sa Camarines Norte, dahil nakasuot na siya ng pink school uniform, na naghatid naman ng good vibes sa mga netizens. lalo na ang mga pet lovers.
Ibinahagi ng pet lover na si Maria Cristina A. Nano, 32, dating audit staff at ngayon ay hands-on mom mula sa Labo, Camarines Norte, ang litrato ng kaniyang pet dog na si Jordan (dating tinatawag na 'Itim') sa Facebook group na 'ASPIN LOVERS PHILIPPINES' na talaga namang umani ng napakaraming reactions at shares.
"Hindi ko rin alam kung bakit naisipan kong suutan siya. Bigla lang pumasok sa isip ko. Pero sanay naman siya na may damit kasi noong may mga sugat siya, lagi ko siya sinusuutan ng pinagliitang damit ng anak ko para di niya makamot yung mga sugat," paliwanag ni Nano sa panayam ng Balita Online.
"Yung uniform kasi is para sa anak kong toddler. 3.5 years old siya, eh pagkuha ko sa hanger, sumusunod si Jordan. Bakit ba ka 'ko, gusto mo din ba isuot? Hayun pina-try ko sa kaniya."
"Tapos pagkasuot ko, tumayo siya at sumilip sa bintana. Kaya nakunan ko ng picture, di ko alam kung may naaamoy siyang stranger o iniisip niya kung paano siya lalabas."
Subalit may 'madilim' na nakaraan pala si Jordan bago ito mapunta sa pangangalaga ni Nano. Si Jordan ay isang stray dog na palipat-lipat umano ng mga establishment na tinutulugan. Nakita umano ni Nano ang isang itim na aso na natutulog sa doormat sa labas ng drugstore na kaniyang pinagtatrabahuhan, sa Daet, Camarines Norte.
"Since naroon naman siya madalas, and pinapakain naman ng guard, sabi ko hayaan muna doon and hahanap ako ng pwedeng mag-rescue and mag-adopt. Nag-chat ako sa mga orgs kung sino pwede kumuha for transport purposes lang sana. Ako na bahala maghanap ng mag-aadopt," kuwento niya.
"Kaso 'yun, umabot ng last week ng January bago may nag-reply. Nakita ko siya ulit sya doon, May galis na. Payat na. Medyo mabaho na rin. So sabi ko sa rescuers, baka wala na pong aampon pag ganun na ang sitwasyon ng aso. Para mapadali I asked them na dito na lang sa bahay dalhin. Kahit di ako capable na mag-provide ng mamahaling food at gamit sa kanya, kaya kong mag-effort para alagaan siya at gamutin mga sugat niya."
Kaya naman, si Nano na ang nagsilbing tagapangalaga ni Itim.
"First week ng February 2021, dinala na siya rito ng rescuers. Pinagtiyagaan ko lang siya paliguan ng may dahon ng bayabas, at madre de agua, plus coconut oil. Gumaling din siya after a month. Ayoko na siyang ipaampon kasi gusto ko maging masaya yung natitirang araw niya sa mundo. As long as kakain kami, kakain din siya. As long as maliligo kami, maliligo din siya."
Malaki ang pasasalamat ni Nano sa grupong 'Daet Saving Strays' na nag-rescue kay Itim at nagtiwalang sa kaniya na lamang dalhin ang aso, na di naglaon ay tinawag na niyang Jordan. Para naman sa libreng ligo, ang 'Animal Heart Veterinary Clinic and Grooming Center' ang nag-isponsor nito.
"Stray no more. We are happy to inform you that we already found a new home for Itim. Thank you Ma'am Maria Cristina Arzaga Nano for adopting Itim and giving him a chance to experience life in a loving, safe, and warm environment away from streets," ayon sa FB post ng Daet Saving Strays.
Kaya naman para kay Nano, hindi lamang isang karaniwang aso si Jordan para sa kaniya.
"Si Jordan po ay hindi aso para sa amin. Siya po ay bahagi ng pamilya," wika ni Nano.
May mensahe naman si Nano sa mga taong nag-aalaga ng pet dog.
"Para po doon sa may mga alagang aso, maawa naman sana sila. Ako po aminado ako sa sarili ko na ayaw kong mag-alaga ng aso, kasi nga alam kong kailangan nila ng oras, panahon, kalinga at alaga. Nakapag-foster na rin ako ng Mama dog dati, pero hinanapan ko ng adopter, pati mga baby niya. Kasi nga alagain pa ang anak ko that time. Saka alam kong di ko sila maaasikaso."
"Pero si Jordan… naawa ako sa kanya kasi mabait naman siya. Kaya kahit wala akong pera, I'm willing to exert some effort for him."
"Kaya sana naman yung mga may-ari ng aso, huwag naman nila basta na lang aabandonahin or sana alagaan nila nang maayos. Kung di nila kaya, huwag na lang sila mag-alaga," real talk ni Nano.