Matapos ang ilang linggo, idinetalye na ni Mygz Molino, ang espesyal na kaibigan at ka-tandem ni Mahal o Noemi Tesoro sa vlog, kung ano ang kalagayan ni Mahal bago ang di-inaasahang pagkawala nito noong Agosto 31, 2021.
Emosyunal na isinalaysay ni Mygz sa kaniyang vlog na may pamagat na 'Paalam', na lubhang naapektuhan umano si Mahal sa pagkawala naman ng ama nito.
"Kuwento ko lamang po sa inyo 'yung naging kalagayan ni Mahal noong mga panahon po na nagkaroon po siya ng ubo. Panahon po na nawala po 'yung papa ni Mahal, doon na po nag-start ang pagiging matamlay ni Mahal dito sa bahay," panimula ni Mygz. Magkasama kasi silang naninirahan sa bahay.
“Mga August 25, 26, nagkaroon po siya ng ubo. Nag-start po siya sa ubo, na normal naman po sa atin na magkaroon po ng ubo. And that time po, pinainom ko po si Mahal ng Lagundi syrup kasi 'yon po 'yung hiyang po sa kanya. Then pagdating po ng Friday (August 27) na 'yon, nagkaroon na po siya ng sinat, nagkaroon na po siya ng lagnat.”
“Saturday and Sunday po, maayos naman po yung kalagayan niya. Pagdating po ng Linggo po ng gabi, hinipo ko po siya, biglang nagkaroon po ulit siya ng trangkaso. So nag-worry na po ako kasi sabi ko nga po sa kanya, tinatanong ko po kung nawalan po siya ng pang-amoy at saka panlasa. Sabi niya po, okay naman daw po 'yung pakiramdam niya.”
Mga bandang Lunes daw, Agosto 30, dumating sa kanilang bahay ang talent manager ni Mahal. Bumili umano ito ng mga gamot at ipinainom sa alaga. Sinalpakan din umano nila si Mahal ng oxygen dahil medyo hirap na itong huminga. Sakto naman na pagkaalis ng manager, muli itong tinawagan ni Mygz upang magpatulong na dalhin na sa ospital si Mahal dahil lumala ang kalagayan nito.
Noong Agosto 31 nga, nagulat ang mundo ng showbiz, mga tagahanga at tagasubaybay at ng kanilang tambalan, nang lumabas at kumalat na ang mga balitang sumakabilang-buhay na si Mahal, na kamakailan lamang ay nadalaw at natulungan pa pa ang dating katambal na si Mura, at napasama pa sa 'Owe My Love' ng GMA Network.
“So ang kinausap na po ng doktor, si manager nga po. Ang nakita nga po sa kanya is severe acute respiratory distress syndrome… Tapos mga ilang oras hayun, dineclare na po na wala na si Mahal", ani Mygz.
"Naging komplikasyon na 'yung ubo niya, 'yung plema niya sa naging kalagayan niya. So secondary to COVID daw po.”
May madamdaming mensahe naman si Mygz para sa namayapang kaibigan na si Mahal.
"Ang masasabi ko lang sa iyo, Mahal… alam kong masaya ka na ngayon kasi kasama mo na si Papa (tatay ni Mahal), sabi mo nga, hintayin ka ni Papa… pero ngayon sumama ka naman sa kaniya… alam kong masaya ka na… gusto ko lang magpasalamat sa iyo, sa mga ibinigay mong kasiyahan, sa mga araw, sa mga panahong kasama kita."
Isang araw pa lamang ang nakalilipas nang i-upload niya ang vlog sumalit umabot na kaagad ito sa 2.6M views. Bumaha ang comment section ng mensahe ng pakikiramay. Isa umano sa mga celebrities na napaiyak sa vlog na ito ay ang sikat na Tv host na si Willie Revillame. Nagkasama na noon sa noontime show sina Willie at Mahal.
Payo niya kay Mygz, maging matatag at ipagpatuloy ang buhay. Mapalad umano si Mahal dahil sa mga naging kontrobersyal na pakikipagrelasyon nito noon, si Mygz ang huling lalaking nakasama niya, na bagama't wala silang romantic relationship at espesyal na magkaibigan lamang, ay inalagaan, pinagmalasakitan, at minahal siya nang buong puso.
Panoorin ang kabuuan ng vlog mula sa YT channel ni Mygz Molino.