Tiniyak ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes sa publiko na ang mga mag-aaral na naka-enroll ngayong School Year 2021-2022 ay makatatanggap nang mas pinahusay na self-learning modules (SLMs).

“Marami tayong adjustments at talaga pong ang purpose natin ay mas maging mabuti ang kalidad ng mga self-learning materials,” ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio sa isang pahayag.

Binigyang-diin ni San Antonio na ang pagpapabuting ginawa sa proseso ng quality assurance ng DepEd para sa mga learning materials ay isinagawa nang mas maaga pa noong Enero ngayong taon.

Nakipag-ugnayan din aniya ang DepEd sa Philippine Normal University (PNU) para tumulong sa pagsisiyasat sa mga SLMs.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Aniya, ginawang prayoridad ng Bureau of Learning Delivery (BLD) ang SLM Enhancement, na may layuning bumuo ng mas maayos na bersiyon ng mga kagamitan at magbigay sa mga guro ng suporta sa pamamagitan ng Notes to Teachers.

“At ang ginawa po nating paraan para masiguro na better version ng self-learning modules ang gagawin ng mga bata, nagsagawa po tayo ng 2nd round ng quality assurance sa mga self-learning modules na ito at pumapayag pa rin po tayo ng combination ng Central office and locally-quality assured na learning materials,” dagdag pa niya.

Binanggit pa niya na ang pinagandang proseso ng vetting ang dahilan kung bakit kakaunti lamang ang mga ulat na pagkakamali sa SLMs mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon, kumpara sa higit 100 na nakitang kamalian sa SLM sa unang tatlong buwan ng klase noong Oktubre hanggang Disyembre 2020.

Sinabi pa ni San Antonio na ang mga natapos na sa quality assurance na mga modyul ay naisalin na sa iba-ibang pormat at nagagamit na rin bilang batayan para sa DepEd TV at DepEd radio-based instruction.

Sa kabila ng paggamit sa mga SLM ngayong taong panuruan, binigyang-diin din ni San Antonio na ang mga direktor sa rehiyon ay gumagawa ng paraan upang mula sa printed SLMs ay makalipat na sa technology-based learning sa pamamagitan ng pag-maximize sa paggamit ng mga gadget.

Hinikayat rin nila ang publiko na kaagad na iulat ang makikita nilang mga pagkakamali sa SLM sa DepEd Error Watch, na isang inisyatibong inilunsad noong Oktubre 2020 upang tugunan ang isyu.

Samantala, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi magiging pag-uulit ng nakaraang taon ang kasalukuyang school year dahil natuto na aniya ang departamento at nakapag-adjust na sa new normal ng edukasyon.

“I’d like to assure everyone that this will not be a repeat of last year because events don’t necessarily repeat themselves,” aniya.

Dagdag din niya na ang pagkakatulad lamang sa nakaraang taon ay hindi mahuhulaan at walang kasiguraduhan kung ano ang mga susunod na magiging sitwasyon ng bansa dahil sa COVID-19. 

Mary Ann Santiago