Iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot pa sa 18,937 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Pilipinas nitong Lunes.

Base sa case bulletin no. 555 ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 2,385,616 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 20, 2021.

Sa naturang kabuuang kaso naman, 7.4% o 176,850 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa kabilang dito ang 92.7% na mild cases, 2.7% na asymptomatic, 2.61% na moderate, 1.4% na severe at 0.6% na critical.

Mayroon rin namang 20,171 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 2,171,832 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 91.0% ng total cases.

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

Samantala, mayroon pang 146 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng virus kaya't sa ngayon ay nasa36,934 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.55% ng total cases.

Kaugnay nito, iniulat rin ng DOH, na mayroon pa ring 70 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 51 recoveries.

Mayroon ring 53 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit malaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 18, 2021 habang mayroong 5 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 5 labs na ito ay humigit kumulang 1.6% sa lahat ng samples na naitest at 1.7% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Anito pa, “Sa mga susunod na araw ay maari pang tumaas ang ating mga kaso ng COVID-19. Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagbabakuna ay nanatiling pinakapabisang depensa sa COVID-19. Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapatest ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan.”

Mary Ann Santiago