Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa silang inilalabas na rekomendasyon para mabakunahan na laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga indibidwal na kabilang sa 12-17 taong gulang.

Ikinatwiran ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinag-aaralan pa ng mga eksperto ang posibilidad ng pagbabakuna sa mga menor de edad, partikular na ang may kaugnayan sa kaligtasan at equity nito.

“Sa ngayon ay hindi pa natin nabibigyan ng rekomendasyon itong pagbabakuna sa mga kabataan natin, patuloy pa rin hong pinag-aaralan ng ating mga eksperto itong pagbabakuna sa mga bata,” ani Vergeire, sa isang panayam.

“Unang-una, tinitignan po nila 'yung safety side at pangalawa tinitignan nila 'yung equity side,” dagdag pa niya.

National

Bilang ng mga naputukan pumalo na sa 43, ilang araw bago ang Bagong Taon

Ipinaliwanag pa ni Vergeire na bagamat dinadapuan din ng sakit ang mga kabataan, ang panganib na magkaroon ng malalang impeksyon na maaaring mauwi sa kamatayan ay mas madalas pa ring mangyari sa mga matatanda, kaya’t sila pa rin aniya ang pinagtutuunan ng pansin sa ngayon.

“Ngayon na unstable pa rin ang supply natin [ng bakuna], gusto natin na pagtuunan muna ng pansin 'yung mga mas nakatatanda na may vulnerability to severity and dying,” aniya pa.

Nauna nang sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na bilang general policy, inaprubahan na ng panel of experts ng pamahalaan para bakunahan ang mga batang nagkaka-edad ng 12 hanggang 17 taong gulang.

Mary Ann Santiago