Itinampok ng batikang news anchor at journalist na si Karen Davila si Vice President Leni Robredo sa episode 21 ng kaniyang YouTube channel nitong Setyembre 18, 2021, kung saan, binisita mismo ni Karen ang simpleng condo unit ni VP, na unang beses niyang naipasilip.

Bukod sa house tour, naibahagi rin ni VP Leni na pagdating sa bahay, pagpasok na pagpasok pa lamang niya sa pinto ay bumabalik na siya sa simpleng nanay para sa kaniyang mga anak.

'Napipika' rin si VP Leni sa kaniyang mga anak lalo na kapag makalat ang mga ito, kaya naman, ipinagawa niyang maliit na gym ang kaunting espasyo sa gilid ng kanilang living room, para sa kaniyang mga anak.

Nauntag naman ni Karen ang panganay na anak ni VP Leni na si Aika kung nasabihan na niya ang ina na "Ma, konting luho naman!" Pambubuking ni VP Leni, mas kuripot umano ang anak kaysa sa kaniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

YouTube Channel ni Karen Davila

"Sanay kami lahat magkakasama kahit sa Naga, sanay kami na isang kuwarto," kuwento ni Aika. Ngayon lamang daw sila naghiwa-hiwalay ng kuwarto dahil pare-pareho silang mga frontliners. "Pero may study rooms kami pero pag matutulog sa sahig… all our lives, nasanay kami na tipid sa air-con."

Hindi rin niya sinabi sa mga kaibigan sa Harvard University, kung saan siya nagtapos ng college, na ang kaniyang ina ay bise presidente ng Pilipinas.

Paano nga ba niya mailalarawan si VP Leni bilang isang ina?

"Sobrang present, which reflects din sa work niya sa OVP. Halimbawa kami, lumaki kami na sanay na nariyan siya, so yung sinasabi nila na quality time, when we go home, sanay kami (na magkuwentuhan).

Sa tanong naman na istrikto ba ang ina pagdating sa pakikipagrelasyon:

"Ah wala… very confident ako pagdating doon, kasi nakita nila dad nila eh… nakita nila kung ano ang pagkatao, nakita nila kung paano ako i-treat, so ako very confident ako na hindi sila magse-settle for somebody na hindi sila iti-treat the same way na tin-reat ako ni Jess," sagot ni VP Leni.

Sunod na tanong ni Karen, "Did you talk to your daughters about sex?"

"No. Pero sa school naman kasi, kasama sa kanilang subject na idini-discuss iyon eh. Never akong nag-worry kasi sobrang assertive ng mga anak ko, so I don't think malalagay sila sa sitwasyon na gagawa sila ng isang something na hindi nila gusto," aniya.

"How do you stay grounded?" dagdag na tanong ni Karen, dahil napagsasabay niya ang tungkulin bilang 'nanay sa bayan' at nanay sa kaniyang pamilya.

"Sa amin, kahit si Jess noon, we really make it to a point to go back to our WHY, na para sa amin, responsibility ito but it doesn't have to change our lives, so 'yun nga, pagpasok ko ng pinto dito, hindi na ako VP," paliwanag pa ni VP Leni.