Ngayong Linggo, Setyembre 19, makakamit ng Pilipinas ang isa pang milyahe sa national inoculation program nito laban sa coronavirus disease (COVID-19) dahil tatanggapin nito ang ika-60 milyong dose.

Nitong Sabado, Setyembre 18, nasa 59,359,810 ang kabuuang suplay ng doses.

Nakatakdang darating ang tatlong milyong doses ng Sinovac ngayong Linggo mga dakong 6 ng gabi habang ang 2,020,590 doses ng Pfizer ay darating mamayang 11:30 ng gabi.

Ang darating na SInovac ay binili ng gobyerno habang ang Pfizer naman ay donasyon ng COVAX facility.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

“Magkakaroon na tayo ng more or less 64 million. Nakikita ko na once matapos ang September or October, we can surpass 110 million [doses] na makakadating sa atin," ayon kay Sec. Carlito Galvez Jr., vaccine czar and chief implementer of the National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Ang kasalukuyang suplay ay binubuo ng SInovac vaccine na may 33 milyon doses-- 32 milyon ang binili ng gobyerno sa China habang ang isang milyon ay donasyon ng Chinese government.

Iba pang mga bakuna:

-- Astrazeneca na may 9,595,440 total doses kabilang ang 3,472,300 doses na binili ng national government, private sector, at local government units (LGUs), 4,584,000 doses ay donasyon mula sa COVAX, at 1,539,140 doses naman ay donasyon mula sa Japan at United Kingdom;

-- Pfizer na may 6,596,460 total doses kabilang ang 3,935,880 procured doses at 2,660,580 na donasyon mula sa COVAX;

-- Moderna na may 5,257,060 total doses kabilang ang 2,257,000 procured doses, at 3,000,060 na donasyon mula sa COVAX;

-- Janssen Pharmaceutical's Johnson & Johnson (J&J) na may 3,240,850 na donasyon mula sa COVAX;

-- Sinopharm na may 1.1 milyon na doses na mula sa China at United Kingdom; at

-- Sputnik V na may 570,000 procured doses.

Ayon kay Galvez, sa oras na makamit ang "sizeable" suplay ng COVID-19 vaccines, maaari nang masimulan na mabakunahan ang ilan sa 20 milyon na kabataan.

“Once we achieve that, maybe we can convince now the NITAG [National Immunization Technical Advisory Group] that we have ample supply for the vaccination of our adolescents,” aniya.

Sa huling datos noong Biyernes, 40,991,974 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan. Sa naturang bilang, nasa 22.7 milyon na Pilipino ang nakatanggap ng kanilang first dose, habang 18.2 milyon naman ang fully vaccinated.

Martin Sadongdong