Nagposte ng come-from-behind na 2-1 panalo ang Philippine Women’s National Football Team kontra Nepal sa simula ng kanilang kampanya sa 2022 AFC Women's Asia Cup qualifiers sa JAR Stadium sa Tashkent, Uzbekistan, nitong Sabado ng gabi.

Hindi naka-goal sa first half ang mga Pinay kaya naiwan sila ng kalaban, 0-1 papasok sa second half.

Gayunman, hindi sila nawalan ng pag-asa hanggang dumating ang pagkakataon na makaiskor sa huling bahagi ng laro at maangkin ang panalo.

Dalawang goals ang kanilang naitala sa pamamagitan nina Tahnai Annis at Camille Wilson bago matapos ang laban upang maangkin ang tagumpay.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“The new players that were introduced in this game played very well. They were, in fact… They initiated the first goal,” ayon kay coach Marlon Maro.

Naitabla ng midfielder na si Annis ang laro nang maka-goal ito sa 89th minute kontra sa Nepalese stopper na si Anjila Tumbapo Subba.

Sunod namang naka-goal ang substitute attacker na si Wilson sa unang minuto ng stoppage time.

Ang goal ang una para kay Annis bilang miyembro ng Nationals habang pangatlo naman para kay Wilson na nakaiskor din ng tig-isang goal noong 2013 at 2016 AFF Women’s Championship.

“In the second half, our adjustment was we’re putting four forwards, three attacking midfielders, one defensive midfielder, and two central defenders because Nepal just sent one forward up front. So by doing that, we’re able to score two goals in the last five minutes,” dagdag pa ni Maro.

Naunang nakaiskor ang mga Nepalese sa pamamagitan ng isang header ng forward nilang si Bimala Chaudhary na nabigong maharang ni goalkeeper Inna Palacios, siyam na minuto ang nakalipas sa first half.

Ang panalo ay nagbigay ng tatlong puntos sa Team Philippines sa Group F. At kung maipapanalo nila ang susunod nilang laro sa kontra Hong Kong sa Biyernes ng gabi, sigurado na silang pasok sa 2022 AFC Women’s Asian Cup na gaganapin sa India.

Marivic Awitan