Opisyal na inendorso ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban), na pinangungunahan ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III nitong Linggo, Setyembre 19, ang presidential bid ng Philippine boxing icon at Senador Emmanuel "Manny" Pacquiao para sa May 2022 national elections.

Pormal na tinanggap ni Pacquiao ang nominasyon bilang presidential bet ng ruling political party sa susunod na taon.

“Yes, I accept,” ani Pacquiao matapos ang nominasyon sa 11th National Assembly ng partido.

“I am a fighter. Wala akong laban na inaatrasan. Ang Manny Pacquiao na kilala nyo ay walang pinag-iba sa kasama ninyo laban sa kahirapan at katiwalian," aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noon pa man, bukas na umano si Pacquiao sa pagtakbo bilang presidente. Gayunman, ang PDP-Laban faction na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, inendorso ang tandem nina Senador Christopher "Bong" Go at President Rodrigo Duterte. 

Sa parehong pagpupulong, iginiit ni Pimentel na sila ang lehitimong kinatawan ng PDP-Laban at lalabanan ang mga "hijacker" ng kanilang partido. 

Matatandaan na nauna nang naghain ng petisyon si Cusi na humihiling sa Commission on Elections (Comelec) na ideklara sina Pimentel at Pacquiao bilang hindi legal na kasapi ng partido.

Ngunit sinabi ni Pimentel na ang kasalukuyang national assembly ay "constitutionally-protected" at tiwala na kilalanin ng poll body ang kanilang grupo bilang lehitimong partido ng PDP-Laban.

Inaprubahan din ng PDP-Laban ang isang resolusyon na iginagalang ang dating Senate President Aquilino "Tatay Nene" Pimentel Jr., isa sa mga pangunahing tagapagtatag ng political party, sa national assembly.

“Today, we will honor our party founder, Senate President Tatay Nene Pimentel. Here in PDP-Laban, we always give credit to whom credit is due,” ani Pimentel.

 “Today, we will formally fight back against the hijackers. We will formally declare as correct what we have been doing all along. Ignoring them, but resisting them. Lalaban po tayo," ayon sa anak ng party founder.

Matatandaang humiwalay sina Pacquiao at Pimentel kay Duterte matapos ibunyag ni Pacquiao ang mga paratang ng katiwalian sa loob ng kanyang administrasyon. 

Hannah Torregoza