BAGUIO CITY — Nakapagtala ang lungsod nitong Sabado, Setyembre 18, ng 411 bagong coronavirus disease (COVID-19) cases, ang pinakamataas na naitalang kaso sa loob ng isang araw, ayon sa Department of Health (DOH) sa rehiyon.
Pinakamataas na bilang ito matapos ang 289 cases noong Setyembre 11.
“The high tally was caused by dumping of results after test results accumulated at the molecular laboratory due to the volume of specimens being processed daily,”pahayag ni Mayor Benjamin Magalong.
Ang samples mula sa Baguio ay prinoproseso kung hindi sa Baguio General Hospital ay sa pribadong molecular laboratory, Parkway.
Umaabot na sa 2,000 tests ang nagagawa kasunod ng muling pagtaas ng kaso sa lungsod.
“Because of the Delta variant, the city made it mandatory to swab all close contacts while aggressive community testing is also being done continually,” sabi ng alkalde.
Nauna nang binanggit ni Magalong na inaasahan nila ang pagsipa pa ng kaso sa lungsod. Lumabas sa kanilang contract tracing link-analysis gamit ang isang application na mayroon nang potensyal na 700 carriers ng Delta variant sa lungsod matapos makasalamuha ng naturang bilang ang mga naisama na sa ulat ng Philippine Genome Center nitong unang Linggo ng Setyembre.
Pinalakas na rin ang testing capacity ng lungsod sa pamamagitan ng antigen test kung saan ang mga nagpositibong indibidwal ay kailangan sumailalim sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Sa tumataas na bilang ng COVID-19 sa Baguio, hinimok ng Health Services Office ang mga residente na ibayong sundin ang health and safety protocols.
Liza Agoot/Philippine News Agency