Marami ang nagtatanong ngayon kung kumusta at naapektuhan nga ba ang pagkakaibigan nina Bianca Gonzalez-Intal at Toni Gonzaga-Soriano, matapos ang mga isyung ipinupukol kay Toni ngayon, kaugnay sa panayam na isinagawa niya kay Bongbong Marcos sa kaniyang YouTube channel na 'ToniTalks.'
Kaliwa't kanang tagging kasi ang naranasan ni Bianca matapos nga ang pagputok ng isyu hinggil kay Toni, kung bakit daw nito binibigyan ng platform ang 'anak ng isang diktador.' Pinaratangan si Toni na isang Marcos apologist (naungkat pa na ninong nila sa kasal ni Paul Soriano si BBM), at cancelledt na umano sa social media.
Sa kaniyang tweet nitong Setyembre 17, binasag na ni Bianca ang kaniyang katahimikan, bagay na kinukuwestyon naman dahil bakit parang ang tahimik niya umano hinggil sa isyung kinasasangkutan ng kaniyang kaibigan.
Aniya, "Many of you have been tagging me. My stand has always, ever since, been very public: #NeverForget and #NeverAgain. I might have even seen some of you out at the rallies. I’ve gotten messages asking, ‘Bakit tahimik ka sa issue?’” ani Bianca.
Personal umano silang nagkausap ni Toni bilang respeto na rin sa kaibigan. Wala umanong masamang tinapay sa kanilang dalawa.
"As a friend, I choose to reach out privately and dialogue respectfully, instead of ‘call out’ publicly. Because for me, that is what a true friend would do.”
Kahit mga magkakaibigan at magkakapamilya ay may iba-iba rin namang pananaw sa buhay.
"Even family and friends can have different views. My friends know that my stand has always been #MarcosNotAHero, and I will continue to be vocal and share my stand," giit pa ng TV host-vlogger.
Parang magkakapatid na ang turingan sa isa't isa ng tinaguriang 'Kuya's Angels' na mga pioneer hosts ng Pinoy Big Brother na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, at Mariel Rodriguez kung saan nabuo ang kanilang pagkakaibigan.
Samantala, hanggang ngayon ay wala pa ring opisyal na pahayag si Toni hinggil sa mga isyung ipinupukol sa kaniya. Sa katunayan, nailabas pa nga niya ang panayam kay Senador Manny Pacquiao hinggil sa desisyon nitong pagtakbo sa pagka-presidente.