Aprubado nitong Huwebes, Setyembre 16, ang dalawang ordinansa sa lungsod ng Navotas na layong magbigay ng financial assistance program sa mga medical at non-medical frontliners, at sa mga naulilang pamilya ng nasawing empleyado ng pamahalaang lungsod dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Binahagi ni Navotas City Mayor Tobias “Toby” Tiangco sa kanyang Facebook page, Huwebes ng gabi, ang kopya ng bagong aprubadong City Appropriation Ordinance Nos. 2021-22 at 2021-23.
Sa ilalim ng City Appropriation Ordinance No. 2021-22, makatatanggap ng P20,000 one-time financial assistance ang naulilang pamilya ng nasawing empleyado dahil sa COVID-19.
Iiral ang batas bilang restrospective kaya’t sakop nito ang mga nasawing kawani mula Marso 2020.
Samantala, hinati sa tatlong compensation schemes ang City Appropriation Ordinance No. 2021-23 – halagang P6,000 ang matatanggap ng mga medical frontliners sa lungsod, halagang P3,000 para sa non-medical frontliners na pisikal na pumapasok sa trabaho, at dagdag P2,000 para sa mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19.
Sakop ng ordinansa ang mga kawani na sinusuong ang panganib ng COVID-19 sa trabaho na may haba ng serbisyo sa pamahalaang lungsod ng hindi bababa ng anim ba buwan.
Ang Human Resources Office ang tutukoy sa mga kwalipikadong empleyado kung aling kategorya sila nabibilang.
“Saludo po tayo sa dedikasyon ng ating mga kawani na patuloy na magserbisyo sa ating mga kapwa Navoteño sa gitna ng panganib na dala ng COVID-19.,” ani Tiangco.