Kasunod ng opisyal na anunsyo ng muling pagtakbo ng human rights lawyer na si Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno bilang Senador sa Halalan 2022 nitong Miyerkules, Setyembre 15, naging laman agad ng social media ni Vice Ganda ang pangalan nito.
Tila maagang endorso ang natanggap ng senatorial aspirant na si Chel Diokno sa komedyante at tinaguring “Unkabogable Star” Vice Ganda ilang oras matapos ianunsyo nito ang kanyang kandidatura bilang Senador sa darating na halalan sa Mayo 2020.
Agad na naging bukambibig ng Kapamilya star sa isang Tiktok content ang pangalan ni Diokno na sa pag-uulat ay umabot na sa 2.5 million views.
Ginamit din ni Vice Ganda ang kanyang Twitter account na may higit 14 million followers sa tweet na “Chel Diokno for Senator.”
Nitong Huwebes, Setyembre 16, patuloy na nagpahayag ng positibong mga salita para kay Diokno sa programang “It’s Showtime” si Vice Ganda.
“Favorite ko kasing abogado si Chel Diokno. That’s my favorite lawyer, Chel Diokno. Ang galng-galing niyan. Professor din yan. Mahusay na professor yan. Human rights lawyer, si Chel Diokno,” paglalahad ni Vice sa co-host nitong si Vhong Navarro sa “It’s Showtime."
Matapos mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN, umeere ang ilang programa nito sa A2Z Channel 11, TV 5 at ilan pang mga outlets.
Ilang personalidad din kabilang na si Enchong Dee at Saab Magalona ang nagpahayag ng pagsuporta para para kay Diokno.