Isang lalaki ang binaril at pinatay ng isang naka-bonnet na suspek sa loob ng isang barung-barong sa Tondo, Maynila matapos umanong hindi makapag-remit ng kita sa iligal na droga, nitong Miyerkules ng umaga.
Dalawang tama ng bala sa likod ang ikinamatay ng biktimang si Dennis Hizon, 41, taga-1024 Int. 10 Mariano St., Maypajo, Caloocan City habang nakatakas naman ang suspek na hindi nakilala dahil sa suot nitong bonnet at facemask.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni PSMS Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, dakong 6:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng isang barung-barong sa Pilar St., Tondo.
Sa salaysay ng testigong si "Tony,: sinabi nito na natutulog pa sila nang maalimpungatan nang biglang pumasok si Hizon sa kanilang barung-barong at iniharang ang kanyang katawan sa pinto, na pilit namang binubuksan ng suspek.
Maya-maya ay nagtatakbo umano si Hizon papasok ng kanilang palikuran kaya’t nagawa ng suspek na makapasok at hinabol ang biktima.
Narinig umano ng testigo na may kinalaman sa iligalna droga ang pinag-uusapan ng dalawa nang marinig ang suspek na tinatanong ang biktima, "Pare, nasaan na 'yung pang-remit mo?”
Pagsagot umano ni Hizon ay nakarinig na sila ng putok ng baril.
Hindi nadamay ang pamilya ng testigo sa insidente, ayon pa sa pulisya.
Mary Ann Santiago