Pinuri ni Philippine Information Agency (PIA) Undersecretary at Director General na si Mon Cualoping ang tv-host-actress na si Toni Gonzaga sa kabila ng kaliwa't kanang batikos na natatanggap nito, sa isinagawang panayam kay dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa kaniyang vlog na 'ToniTalks.
Ibinahagi ni Cualoping sa kaniyang Facebook post nitong Setyembre 15 ang isang quote card na ginawa para kay Toni ng isang entertainment site. Mula ito sa isang panayam mula sa aktor na si Edu Manzano noon pang Agosto 2020, kung saan, ipinaliwanag ni Toni na nasa punto na siya ng buhay na wala na siyang pakialam sa bashers; bagay na naiuugnay sa isyung kinasasangkutan ngayon ng aktres.
"My kind of artista. May brain cells," caption ni Cualoping sa kaniyang FB post.
Samantala, binanatan naman niya ang Ateneo Martial Law Museum dahil sa open letter nito para kay Toni. Nakasaad sa open letter na inaanyayahan nito ang aktres na magsagawa naman ng panayam sa mga naka-survive na biktima ng Martial Law, o kanilang pamilya.
"The Ateneo Martial Law Museum does not understand the values of democracy. Dictatorial in nature. Sabagay. The Ateneo. Sila lang magaling," aniya.
"I am really the Atenista’s favorite. Either that or they’re obsessed with me. Ganda lalaki ako eh," dagdag pa.