*STORY UPDATE*

Ibinasura ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 153 sa Pasig City ang kasong attempted estafa laban kay Jeremiah Orallo matapos panigan ng korte ang kaniyang demurrer to evidence dahil sa kakulangan ng ebidensyang iniharap ng prosekusyon laban sa kaniyang kaso.

Metro

Paslit na iigib lang sana ng tubig sa ilog, nalunod!

Sa kautusang may petsang Disyembre 5, 2022, sinabi ng korte na hindi napatunayan ng prosekusyon “beyond reasonable doubt” ang mga elemento ng kasong isinampa laban kay Orallo sa ilalim ng Article 315, Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code.

Dahil dito, ipinag-utos ng korte ang pagbasura sa Criminal Case No. M-PSG-21-02830-CR laban kay Orallo para sa kasong attempted estafa batay sa kakulangan ng ebidensya.

Ang kautusan ay nilagdaan ni Presiding Judge Jesusa R. Trinlago ng MTC Branch 153, Pasig City.


Naaresto ng mga miyembro ng Pasig City Police ang isang lalaking umano’y sangkot sa pamemeke ng building permit sa isang entrapment operation sa Barangay Santo Tomas, Pasig City, nitong Martes ng gabi.

Ang suspek na kinilala ng pulisya na si Jeremiah Orallo, 28, taga-Brgy. Maybunga, Pasig City ay sasampahan ng estafa at paglabag sa Anti-Red Tape Act.

Sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek sa isang entrapment operation sa tapat ng isang convenience store sa M.H Del Pilar St., kanto ng E. Angeles, Brgy. Santo Tomas, dakong 6:25 ng gabi.

Bago ang pag-aresto, nakatanggap ang mga pulis ng reklamo hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng suspek, na umano’y fixer sa pagpoproseso ng aplikasyon para sa building permit.

Nagpakilala umanong isang inhinyero ang suspek sa biktimang si Kriz Anne Lantan, 31, at naningil ng P328,000 kapalit nang mabilis na pagproseso ng building permit sa City hall.

Nagbigay naman umano ang complainant ng naturang halaga sa suspek, gayunman, pekeng permit ang ibinigay nito sa kanya at nanghihingi pa ng karagdagang bayad.

Dahil dito, nagreklamo na ang biktima sa tanggapan ni Station Intelligence Section chief, Maj Jose Luis Aguirre.

Nang maberipika ang reklamo at natukoy na hindi awtorisado ang suspek na magproseso ng aplikasyon para sa building permit, kaagad nang nagkasa ang mga pulis ng entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Narekober mula sa suspek ang marked money na ₱1,000.

Ayon naman kay Pasig City Mayor Vico, Sotto, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may kasabwat ba ang suspek sa loob ng city hall.

“Ngunit tandaan din natin, walang fixer kung wala silang kliyente at walang scammer kung walang magpapaloko. At kung sakali mang may manghihingi sa yo ng padulas-- yung tipong "30 days po yan pero kung magbigay kayo ng 20K baka bukas ok na"-- do your part: Report them to the city admin or police. We will file cases against them. Mas importante 'yun kaysa sa post sa Facebook,” aniya pa.

Mary Ann Santiago