Naaresto ng mga miyembro ng Pasig City Police ang isang lalaking umano’y sangkot sa pamemeke ng building permit sa isang entrapment operation sa Barangay Santo Tomas, Pasig City, nitong Martes ng gabi.

Ang suspek na kinilala ng pulisya na si Jeremiah Orallo, 28, taga-2-1 Westbank Road, Brgy. Maybunga, Pasig Cityay sasampahan ng estafa at paglabag sa Anti-Red Tape Act.

Sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek sa isang entrapment operation sa tapat ng isang convenience store sa M.H Del Pilar St., kanto ng E. Angeles, Brgy. Santo Tomas, dakong 6:25 ng gabi.

Bago ang pag-aresto, nakatanggap ang mga pulis ng reklamo hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng suspek, na umano’y fixer sa pagpoproseso ng aplikasyon para sa building permit.

Metro

‘Di naman ako artista!’ Sagot ni Vico Sotto sa interview hinggil sa ‘The Kingdom,’ kinaaliwan

Nagpakilala umanong isang inhinyero ang suspek sa biktimang si Kriz Anne Lantan, 31, at naningil ng P328,000 kapalit nang mabilis na pagproseso ng building permit sa City hall.

Nagbigay naman umano ang complainant ng naturang halaga sa suspek, gayunman, pekeng permit ang ibinigay nito sa kanya at nanghihingi pa ng karagdagang bayad.

Dahil dito, nagreklamo na ang biktima sa tanggapan ni Station Intelligence Section chief, Maj Jose Luis Aguirre.

Nang maberipika ang reklamo at natukoy na hindi awtorisado ang suspek na magproseso ng aplikasyon para sa building permit, kaagad nang nagkasa ang mga pulis ng entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Narekober mula sa suspek ang marked money na₱1,000.

Ayon naman kay Pasig City Mayor Vico, Sotto, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may kasabwat ba ang suspek sa loob ng city hall.

“Ngunit tandaan din natin, walang fixer kung wala silang kliyente at walang scammer kung walang magpapaloko. At kung sakali mang may manghihingi sa yo ng padulas-- yung tipong "30 days po yan pero kung magbigay kayo ng 20K baka bukas ok na"-- do your part: Report them to the city admin or police. We will file cases against them. Mas importante 'yun kaysa sa post sa Facebook,” aniya pa. 

Mary Ann Santiago