Viral ngayon sa Facebook ang first day of class ng ilang guro mula sa Malungon, Sarangani matapos mabasa ng ulan, at sumuong sa maputik na daan matapos mamamahagi ng activity learning sheets nitong Lunes, Setyembre 13.

Sa pagbubukas ng taong-panuruan 2021-2022, viral sa Facebook ang mga larawan at video ni Michelle Buquiran-Miguel at tatlo pang gurong nabasa ng ulan noong Lunes.

Magigiting guro ng Taclobo Elemetary School (Larawan mula kay Michelle Buquiran-Miguel)

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Mababakas din ang putik sa kanilang uniporme matapos ang pamamahagi ng learning sheets sa magulang ng kanilang mga estudyante.

Sa panayam ng Balita kay Miguel, binalikan nito ang naging “masaya" pa ring karanasan.

“Bale po, pauwi na po kami galing school nun, nag-distribute po kami ng mga learning activity sheets sa parents. Tapos bandang hapon na, pauwi na kami, pagdating namin sa kalagitnaan ng daan, bigla nalang bumuhos ‘yong napakalakas na ulan. Wala na kaming masilungan saka kapag huminto pa kami, mas lalong mababasa yong daan—mas mahirap, kaya nagpatuloy nalang kami, kahit may laptop kaming dala, no choice po,” pagsasalaysay ni Miguel.

Maputik na kalsadang sinuong ng mga guro sa pamamahagi ng modules

Dagdag ng guro, apat hanggang limang kilometro ang layo bago marating ang mas maayos na kalsada sa main highway.

“Hanggang hindi na nakayanan ng motor, kasi napakadulas na ng daan, kaya naglakad nalang kami saka yong mga partner namin yong naiwan at nagtulungan para matulak yong motor hanggang maka abot sa lugar na wala putik,” sabi ng guro.

Si Miguel at ang ang tatlo pa niyang kasama sa Facebook post ay nagtuturo sa Taclobo Elemetary School sa Malungon, Sarangani Province.

Isang hamon man para sa mga guro ang distance learning, nagpapasalamat pa rin si Miguel sa Department of Education (DepEd) sa patuloy na paghubog sa kakayahan ng mga bata.

Binahagi ng guro, sa tulong DepEd Sarangani, nagawang makapamahagi ng solar radios para sa lahat ng mga bata o pamilyang walang kagamitan.

“With the help of our Municipal Mayor, district heads, principal and teachers, we were able to find solutions to provide quality education po. We are the first Municipality na may Tele-RBI po, napaka challenging po talaga, pero kakayanin para sa mga bata,” pagpapasalamat ng guro.

Gayunpaman, naniniwala si Miguel na mas epektibo pa rin ang pisikal na klase.

Kasalukuyang nasa 31,000 reactions at 25,000 shares na ang naturang post sa Facebook.