Sinibak na ang dalawang tauhan ngManila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakuhanan ng video habang umano'y nangongotong sa isang motorista, kamakailan.
Ipinatupad ni MTPB chief Dennis Viaje ang pagsibak batay na rin sa kautusan ni City Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
Aniya, kaagad na isinagawa ang nasabing aksyon alunsunod na rin sa ipinaiiral na one-strike policy ng pamahalaang lungsod.
Nauna rito, ang mga nasabing enforcers ay naaktuhan umano sa isang video na kuha ng isang netizen habang kinokotongan ang isang truck driver sa Laong-Laan St. sa Sampaloc nitong nakaraang linggo.
Nakarating naman sa tanggapan ni Viaje ang naturang video footage at agad na ipinagbigay-alam sa alkalde.
Dahil naman sa kautusan ni Moreno, inatasan na rin ni Viaje ang dalawang enforcers na isuko ang kanilang mga IDs at uniporme na inisyu sa kanila ni Wilson Chan, Sr., na siyang chief of operations.
“Tinanggal na ni MTPB Director Viaje ‘yung dalawang kotong enforcers para 'di pamarisan. As you all know, our policy is one-strike policy, nothing more nothing less. There are no second chances,” sabi ni Moreno.
Pinasalamatan din ng alkalde ang netizen na kumuha ng video at tiniyak na nakarating ito sa kanyang tanggapan at sa tanggapan ni Viaje.
Kasabay nito, hinikayat din ni Moreno ang lahat ng netizen na tulungan ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na linisin ang mga tiwaling kawani at tiniyak nito na ang pagkakakilanlan ng nagbigay ng impormasyon ay mananatiling confidential.
Paliwanag din niya na ang lahat ng ipinapadalang reklamo at impormasyon ay bineberipika at kapag nagpositibo ay agad na gagawan ng aksyon, tulad ng nangyari sa dalawang traffic enforcers.
“Pahinga muna sila. Pagdating sa ganitong uri ng gawain, one-strike policy talaga tayo. Wala akong tolerance sa kotongero,” giit ni Moreno.
Nitong Setyembre 2, sinibak din ni Moreno ang dalawang traffic enforcers na nakunahanng video na nangongotong sa isang motorista sa Binondo.
Mary Ann Santiago