Nasa 1.7 milyong national identification (ID) cards ang naihatid ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa buong bansa ayon kay Assistant Secretary Rose Bautista nitong Miyerkules, Setyembre 15.

Ang pag-isyu ng Philippine Identification System (PhilSys) Number o PSN at ang paghatid sa mga Philippine ID (PhilID) ay ang ikatlo at huling step ng Philsys registration.

Pinaalalahanan ni Bautisa ang publiko na iwasan ang pagsasapubliko ng PhilIDs sa social media.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

PhilID (Sample)

“Ang ating ID is something na dapat itinatago at hindi po ini-expose sa fraud,” sabi ni Bautista sa ginanap na Laging Handa public briefing.

Ayon kay Bautista, nasa 30 milyong Pilipino na ang tagumpay na nakakumpleto ng ikalawang hakbang ng registration o ang biometrics registration para sa national ID.

“Malaking hamon” para sa ahensya ang quarantine restrictions para ipagpatuloy ang registration process, dagdag ni Bautista.

“We estimate that we have lost about close to 4,000 na foregone registration dahil kailangan mag-comply kami sa mga local IATF na hindi puwedeng mag-open ang aming mga registration center,” pagpupunto ng opisyal.

Layon ng PSA na makapagrehistro ng 50 milyong Pilipino sa katapusan ng taon upang mapadali ang access ng publiko sa mga serbisyo ng gobyerno.

Aasahang mas magiging ligtas, mabilis at mas epektibo ang parehong pribado at pampublikong transaksyon sa bansa sa unti-unting transition ng pamahalaan sa digital economy.

Ellakyn De Vera-Ruiz