Opisyal na naglabas ng pahayag nitong Martes, Setyembre 14 ang University of the Philippines (UP) Diliman laban sa nominasyon ni dating faculty member at ngayo’y Presidential Spokesman Harry Roque Jr. sa International Law Commission (ILC).

Sa ginanap na 314th meeting ng UP Diliman Executive Committee, napagkaisahan ng komite na “very poor” ang kwalipikasyon ni Roque sa adbokasiyang maprotektahan ang human rights at rule of law.

“Atty. Roque has a very poor track record of promoting, defending, and fulfilling human rights and the rule of law, especially during the administration of President Rodrigo R. Duterte in which he serves as a cabinet member,” pahayag ng UP Diliman sa Facebook page nitong Martes.

Dagdag ng komite, madudungisan lang ang imahe ng Komisyon sa pagkakabilang ni Roque.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Therefore, his inclusion in the Commission would not serve its purposes but instead diminish the reputation of the body,’ sabi ng UP.

Nitong Lunes, Setyembre 13, kinumpirma ni Roque na nasa New York ito sa Amerika para sa isang “pagpupulong.”

“Hahayaan ko na po ang mga estado sa daigdig na magdesisyon kung karapat-dapat ba ho ako na mahalal sa ILC, pero ang kwalipikasyon lang po, kailangan eksperto sa international law,” sabi ni Roque sa ginanap na virtual press briefing.

Ilang personalidad kabilang na ang human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ang nagpahayag ng pagtutol sa nominasyon ni Roque sa international body.