Tinanggap ng global Korean pop group BTS ngayong Martes, Setyembre 14 ang diplomatic passport ng Republic of Korea, ito ang ikatlo sa pinakamakapangyarihang international passport sa buong mundo.
Matatandaan na nauna nang itinalaga ni South Korean President Moon Jae-in nitong Hulyo ang BTS bilang Special Presidential Envoy for Future Generations and Culture.
Muling nakaharap ngayong araw ng pitong miyembro ng BTS ang Pangulo matapos na ipresenta nito mismo ang certificate of appointment at ang diplomatic passport sa Blue House.
Ang diplomatic passport ay binibigay lang sa ilang piling indibidwal, kadalasang mataas na opisyal ng gobyerno na may mahahalagang gampanin sa isang bansa.
Sa pagkakaroon ng identity document na ito, hindi na kailangan ng VISA para legal na mabisita ng BTS ang aabot sa higit 100 bansa sa mundo.
Kabilang sa mga pribilehiyo ng makapangyarihang passport ang red carpet treatment at diplomatic lounges sa mga paglalapagang paliparan, access sa mga government lounges at paggamit ng CC, CD o mga consul license plates sa mga sasakyan.
Ayon sa Hyundai Research Institute, ang grupong BTS ay naghahatid ng hindi bababa sa US$5 billion bawat taon sa ekonomiya ng South Korea.
Sa kanilang popularidad, bumulusok ang interes ng buong mundo sa turismo, lenggwahe, pelikula, telibisyon, pagkain at tradisyon ng bansa.
Ilan sa kanilang mga kanta na numero uno sa Billboard Hot 100 ang “Dynamite” at “Butter” na tumabo sa ilang music charts at nagkamit ng ilang record-breaking sales.
Binubuo ang BTS nina Jungkook, Jin, Jimin, V, RM, J-Hope, at Suga.