Boluntaryo nang sumuko nitong Lunes ng gabi, Setyembre 13, sa pulisya ang driver ng truck na naka-hit-and-run sa isang kotse, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang babae at pagkasugat ng dalawa pa nilang kasamahan sa Brgy. Ugong, Pasig City, noong Lunes ng madaling araw.

Basahin ang unang storya: https://balita.net.ph/2021/09/13/2-babae-patay-2-pa-sugatan-sa-hit-and-run-sa-pasig/

Sa panayam kay Pasig City Police chief, Col. Roman Arugay, dakong alas-6:00 ng gabi nang kusang-loob na magtungo sa tanggapan ng Vehicle Traffic Investigation Unit ng Pasig City Police ang driver na si Espanto Simplicio, 42, taga-Cainta, Rizal upang sumuko.

Inamin ni Simplicio na siya ang driver ng truck na naka-hit-and-run sa nakasabayang Mitsubishi Mirage na may plakang DAO 8200, sa C5 Road Flyover sa Brgy. Ugong, dakong alas-2:40 ng madaling araw.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Binawian ng buhay sa insidente sinaAyeseh Esgrina, 36, at Mary Ann Galit, 26, at ikinasugat naman nina Mal Abdul, 30, at Jesus Canaleta Jr., 30, pawang taga-Concepcion Uno, Marikina City.

Minamaneho ni Simplicio ang kanyang truck nang mahagip ang kotse ng apat at nakaladkad pa ito.

Sa pahayag ni Simplicio, magdedeliber lamang umano sana siya ng kargang mga bakal sa Valenzuela nang maganap ang aksidente.

Aniya pa, tumakas lamang siya dahil nabigla siya sa pangyayari, gayundin sa sobrang takot at kaba nito.

Kasalukuyan pang isinasailalim ng pulisya sa imbestigasyon ang suspek na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries and damage to property.

Mary Ann Santiago